Ayon sa vice-mayor ng Tacloban
Libingan ng mga biktima, kinukulang

KINUKULANG NA umano ng lugar na maaaring paglibingan ang pamahalaang lokal ng Tacloban City para sa narekober na mga labi sa nagpapatuloy na retrieval at clearing operations ng mga kinauukulan.

Base sa impormasyon, karagdagang 200 bangkay pa umano ang narekober ng retrieval team sa nasabing lungsod, kung saan umakyat na sa 800 ang kumpirmadong namatay habang 300 iba pa ang patuloy na nawawala at pinaghahanap.

Sinabi ni City Vice-Mayor Jerry Yaokasin na sa naturang bilang ay kalahati pa lamang ang kanilang naililibing dahil kinukulang na umano sila ng lugar na maaaring paghukayan para maihatid sa hu-ling hantungan ang mga biktima ng kalamidad.

Pansamantala aniyang nakalagak ang mga labi ng biktima sa mga lugar kung saan natagpuan ang mga ito.

Nakatakda naman aniyang magpulong ang pamahalaang lokal para pag-usapan ang susunod na hakbang para matugunan ang nabanggit na suliranin.

Lumalabas naman sa pinahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umakyat na sa 3,681 ang opisyal na bilang ng mga namatay habang nasa 1,186 katao pa ang nawawala.

Inihayag ni NDRRMC spokesperson Major Reynaldo Balido na karamihan sa mga natagpuang bangkay ay hindi pa nakikilala.

Samantala, ayon pa sa opisyal, karamihan sa mga narekober na labi ay mula sa Samar at Leyte na mga lalawigang labis na hinagupit ng bagyong Yolanda.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.