Ayaw Tumagay, Nakatikim ng Sampal sa Lasing na Parak

ANIM NA beses sinampal at pagkatapos ay tinutukan pa ng baril ng isang lasing na pulis ang mukha ng isang lalaki makaraan tumanggi ang huli na tumagay ng ibinibigay ng suspek sa Caloocan City kamakalawa ng madaling-araw.

Kinilala ng Station Investigation Division Management Branch (SIDMB) ng Caloocan City Police ang suspek na si PO1 Emmanuel Castro, ng # 56 Malolos St., Bagong Barrio ng nabanggit na lungsod.

Kinilala rin ng pulisya ang biktimang si Andrew Espiritu, nasa hustong gulang at residente ng Bagong Barrio, Caloocan City.

Base sa ulat ng Caloocan PNP, dakong alas 2:30 ng umaga nang mapadaan ang biktima sa harap ng nag-iinumang grupo ni Castro sa kahabaan ng Mascardo St., corner Malolos Avenue, Bagong Barrio, Caloocan City.

Nang makita ng suspek si Espiritu ay pilit itong tinatagayan ng Red Horse ngunit tumanggi si Espiritu na inumin ang beer dahilan upang mapikon ang lasing na pulis.

Walang anu-ano, pinagsasampal-sampal ni Castro ang biktima, hindi pa nakuntento ay binunot pa nito ang kanyang baril at itinutok sa mukha ng biktima.

Hindi nagawang makapalag ni Espiritu dahil hina-wakan ito sa magkabilang kamay ng grupo ng suspek habang siya ay sinasaktan ni Castro.

Nang magsawa sa pananakit sa kanya ay nakakita ng pagkakataon ang biktima upang makatakas dahilan upang agad siyang makapag-report sa pulisya.

Kasalukuyang tinutunton ang kinaroroonan ng mga suspek at posibleng maharap sa patung-patong na kasong Grave Threat, Physical Injuries at Administrative Case ang suspek kabilang ang grupo nito na kasamang nanakit sa biktima.

 (ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.