Ayaw pagpantasyahan ang sexy photo sa CR Ryza Cenon, ‘di magpo-pose sa men’s mag

KAHIT SEXY AT daring ang role na ginagampanan ng GMAAC prime artist na si Ryza Cenon sa bagong primeteime soap ng Siyete na Machete, ayaw pa rin daw niyang mag-pose sa cover ng mga men’s magazines.

Tsika ni Ryza, ayaw raw kasi nitong tinitingnan ang kanyang sexy photos sa CR o comfort room. Naniniwala rin daw kasi siyang mas may mystery kung sa telebisyon o pelikula lang siya magpapakita ng konting flesh.

‘Di raw kasi katulad sa magazine na halos araw-araw ay puwede mong ulit-uliting tingnan, samantalang sa TV, isang beses mo lang mapapanood ‘pag hindi mo ini-record. Pero if ever naman daw na gagawa siya ng sexy film, sasabihin daw nito ang kanyang limitasyon – kung sino ang magiging direktor, kung maganda ang script, at kung gaano ka-daring ang mga eksena.

Aminado naman daw ito kung gaano ka-daring ang role na kanyang ginagampanan mula kay Rita Avila hanggang kay Rosanna Roces. Pero sa TV remake daw nito, medyo binawasan daw ang sobrang seksing eksena, lalo na’t may mga batang makakapanood.

Bukod kay Aljur na siyang gaganap na Machete, makakasama rin ni Ryza sina Bela Padilla, Chariz Solomon, Rio Locsin, Rocky Gutierrez, Gwen Zamora, Stephanie Henares, Karen Delos Reyes, Polo Ravales, at iba pa.

FROM HOSTING, MODELING at sa pagiging VJ, sumabak na rin sa pag-arte si Stephanie Henares, kung saan ginagampanan nito ang role ng isang kontrabida na si Valerie, ang sosyal na kaibigan ni Maria.

Noong una raw, ‘di makapaniwala si Stephanie na kontrabida role ang kanyang gagampanan dahil in real life ay mabait ito at malayung-malayo sa character ng isang mang-aapi. Kaya naman daw nu’ng sinabi sa kanya na magko-kontra-bida  siya, tinanong daw niya ang mga taong malapit sa kanya at ng sinabi daw ng mga ito na bagay siya sa nasabing role ay tsaka niya ito tinanggap.

Nakailang tapings na raw si Stephanie at nag-e-enjoy siya sa kanyang role na ginagampanan. Bukod pa sa iba ito sa kanyang usual na ginagawa, ang modeling at hosting. Pero gusto rin daw nitong mag-bida if ever na mabibigyan siya ng pagkakataon ng Kapuso Network.

Pero kung bibigyan daw siya ng pagkakataong pumili ng aapihin at sasampalin sa mga susunod niyang proyekto bilang kontrabida, ang kanyang pinsang-buo na si Rhian Ramos daw ang gusto niyang makasama at maka-eksena. Bukod kay Rhian, gusto niya ring makaeksena sina Marian Rivera at Iza Calzado. ‘Yun na!

LAPITIN TALAGA NG mga magaganda at seksing babae ang lead actor sa Dwarfina na si Dennis Trillo, dahil ang latest na nagpahayag ng paghanga rito at gusto siyang makilala ay sina Aya Medel, LJ Moreno, Klaudia Koronel, at ang Rochelle Pangilinan look-alike na si Lyka Soledad.

Tsika ni Lyka na bukod sa guwapo at magaling kumanta, sobrang galing daw ni Dennis umarte. Kaya naman daw ito ang maitutu-ring niyang ultimate crush at gustong makasama ‘pag nabigyan siya ng pagkakataong mag-artista.

Kaya naman handog daw nito ang isa sa kanyang awitin sa kanyang self-titled album na Lyka Soledad mula sa LDG Productions, distributed by Galaxy Records na “Sanay Ka Na Ba”. Habang ang ibang awitin na nakapaloob sa album ni Lyka ay ang “Ligaw na Pag- Ibig”, “Kasi Naman Ikaw”, “Ang Sarap Ulitin”, at “Kinasasabikan Kita”.

PINAG-UUSAPAN NGAYON ANG 8 Kingdom, ang Asian series na malapit nang ipalabas ng TV5 sa early primetime block nito. Napakalaki pala ng series na ito dahil sikat na sikat ito at top-rater sa maraming bansa sa Asya at maging sa ibang bansa rin, kung saan ito inere.

Sa trailer pa lang, obvious na multi-million ang budget ng series, dahil movie quality ito at kakaiba talaga ang cinematography. Hindi kami magtataka kung mabalitaan naming mataas ang maging rating ng 8 Kingdom ‘pag nagsimula na itong umere, dahil ngayon pa lang ay marami na kaming naririnig na hinihintay ang pagsisimula nito.
John’s Point
by John Fontanilla

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.