Ayaw Padaluhin ni Enrile sa hearing; Sec. Mamba, Kumanta

INAMIN NI Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) chief Manuel Mamba na nagkaroon siya ng pagkukulang sa pagtupad ng tungkulin sa aspeto ng hindi pakikipag-ugnayan sa Senado.

Ito ang sinabi ni Mamba sa panawagan ni acting Senate President Jinggoy Estrada na palitan na siya sa kanyang puwesto dahil sa umano’y kabiguan nito na makipag-ugnayan sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso kaugnay sa mga panukalang batas na kailangang isulong.

Dahil dito, inihayag ni Estrada na iyon ang dahilan kaya ilang panukalang batas ang na-veto ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Ipinagtanggol naman ni Mamba ang kanyang sarili sa pagsasabing hindi totoo ang sinabi ni Estrada na hindi siya nagkaroon ng courtesy call sa Senado at hindi niya ginagawa ang kanyang trabaho.

Aniya, nang italaga siya ng Pangulo bilang PLLO chief ay pumunta siya sa tanggapan ng noo’y Senate President Juan Ponce Enrile, pero hindi umano siya tinanggap nito.

Ipinarating umano ito ni Mamba sa punong ehekutibo subalit sinabihan siya ng pangulo na manatili sa puwesto at hayaan na lang ang kanyang undersecretary na makipag-ugnayan sa mga mambabatas.

Dahil dito, sinabi ni Mamba na naisip niyang ayaw siyang padaluhin ni Enrile sa mga pagdinig.

Idinagdag pa nitong minsan na pumunta siya sa Senado para sa paglalatag ng kanilang budget ay si-nabihan siya ng isang empleyado na umalis na lang, dahil ayaw siyang makita ni Enrile.

Ayon pa kay Mamba, iginagalang niya ang naging pahayag ni Estrada at handa siyang iwan ang kanyang posisyon kung ito ang magiging kagustuhan ng pangulo dahil hindi naman umano niya hiningi ito kundi kusang ibinigay sa kanya ng Pangulo.

Giit pa ng opisyal na hindi siya ang dapat na sisihin sa mga na-veto na panukalang batas sa Kongreso.

Sinabi pa ni Mamba na sa kabila ng kanyang hindi pagdalo sa mga hearings ng Senado ay marami pa ring naipasang panukalang batas ang nilagdaan ni Pangulong Aquino.

Ang mga na-veto ng Pangulo ay mga local bills na aniya ay hindi pasado sa requirements tulad na lamang ng panukalang gawing national road ang isang local road, giit ni Mamba.

Nilinaw ni Mamba na hindi siya ang nagbi-veto ng batas kundi ang presidente.

Samantala, binigyang-diin niya na pinag-aaralan at binubusisi ng pangulo ang mga panukalang batas bago siya nagdedesisyon kung lalagdaan ito o ibi-veto.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.