AWOL na Parak, Wanted sa Pamamalo at Panunutok ng Baril

PINAGHAHANAP NG mga awtoridad ang isang AWOL (absent without leave) na pulis makaraang mamalo at manutok ng baril sa isang lalaki habang ang suspek ay lasing sa alak sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Ang pinaghahanap na AWOL na pulis ay nakilalang si PO1 Jun Frias, dating nakatalaga sa Intelligence Division ng Caloocan CIty Police Station.

Samantala, ang nagharap naman ng reklamo laban sa nasabing pulis ay si Ricky Santiago y Dela Cruz, 39, ng # 9 Victoneta St., Potrero, Malabon City.

Base sa ulat ni SPO1 Joel Montebon, imbestigador ng Caloocan City Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) at may hawak ng kaso, bandang alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang nasabing insidente sa harap ng isang hotel sa Monumento Circle.

Ayon sa biktima, naglalakad siya sa nasabing lugar nang madaanan umano nito ang suspek na lasing sa alak at sa hindi malamang kadahilan ay bigla umano siyang tinutukan ng .45 caliver pistol at hindi pa nasiyahan ay pinalo pa siya ng puluhan ng nasabing baril sa batok.

Matapos ang nasabing insidente ay parang walang anumang umalis ang AWOL na pulis habang si Santiago naman ay kaagad na nagsadya sa Caloocan Police Station at inireklamo ang suspek na si PO1 Frias.

Napag-alamang si Frias ay ipinaaresto noon ni dating NPD Director Chief Supt. Gen. Antonio Decano hinggil sa kasong pangongotong subalit muli na namang nakalaya.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.