AUV Drivers sa Cainta, Hina-Harass ni Longhair

INIREREKLAMO NG mga AUV taxi driver ang talamak na kotongan na kinasasangkutan umano ng dalawang mataas na opisyal ng pulis sa sa Cainta Rizal.

Base sa ipinarating na reklamo sa Pinoy Parazzi ng mga AUV taxi driver na pumi-pick-up ng mga pasahero sa Puregold Plaza sa Cainta Rizal, tuwing alas-7:00 hanggang alas-10:00 ng umaga ay sapilitan silang kinikikilan ng halagang P20.00 kada biyahe.

Anila, isang alyas “Longhair” ang sapilitan umanong nangingikil sa kanila ng nasabing halaga na may kasama pang pananakot.

Wika pa ng mga driver, binabanggit umano sa kanila ni Longhair ang mga pangalan nina Col. Anduyan, at Col. Briones, mga nakalataga sa Cainta-PNP na nag-uutos sa kanya para manghingi ng “tong”.

Idinagdag pa ng mga nasabing driver, kapag hindi umano sila magbibigay ng naturang halaga ay ipinahuhuli at ipinakukumpiska pa ang kanilang lisensiya ni Longhair para hindi sila makapaghanap-buhay.

Dahil dito, ipinaaabot ng mga nasabing driver sa mga kinauukulan na aksiyunan ang kanilang reklamo para matigil na ang pangha-harass sa kanila ni Longhair.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.