Automatic Doors, Inilagay sa MRT

SINIMULAN NA ng Metro Rail Transit (MRT) ang paglalagay ng mga automatic door sa bawat istasyon ng MRT.

Sinabi ni Engr. Mike Narca, pinuno ng MRT Maintenance and Engineering Office na una nilang nilagyan ng platform screen doors ang North Avenue Station sa Quezon City.

Layon aniya nito na maiwasan ang mga aksidente ng pagkahulog sa riles ng mga pasahero dahil sa tulakan ng mga nag-uunahang makasakay sa tren.

Bukod dito, inaasahang maiiwasan din ang mga insidente ng pagpapatiwakal sa pamamagitan ng pagtalon sa riles kapag malapit na ang tren.

Ayon naman kay MRT general manager Al Vitangcol III, maglalagay din sila ng mga kahalintulad na barrier sa iba pang istasyon ng MRT.

Gayunman, kaila-ngan muna aniya nilang i-eva¬luate o pag-aralan sa loob ng isa hanggang dalawang buwan ang naturang barrier upang matukoy kung naging epektibo nga ba ito o hindi.

Kasabay nito, tiniyak din ni Vitangcol sa mga pasahero na hindi ipapasa sa kanila ang halaga ng nasabing barrier, na aabot ng P10 milyon.

Ang naturang barrier ay gawa sa tempered glass upang hindi ito madaling masira ng mga pasahero at ang pundasyon nito ay ginamitan ng aluminum alloy upang matiyak na matibay at malakas ito.

Awtomatikong bubukas ang mga platform screen doors pagdating ng tren para makalabas at makapasok ang mga pasahero.

Samantala, itinulad ang nasabing platform screen doors sa mga istasyon ng tren sa ibang bansa.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.