Aurora, Handa Sa Kalamidad

 

“SA TAONG handa, sakuna’y walang panama.” Ito ang kasabihan na gustong patunayan ng lalawigan ng Aurora nang pasinayaan nito lamang Huwebes ang Automatic Weather Station na itinayo sa Aurora Trading Center sa Sitio Setan, Brgy. Calabuanan, Baler, Aurora.

Pinangunahan ito nina Gobernor Bellaflor Angara-Castillo at APDRRMO chief Engr. Elson Egargue na siyang direktang manganga-siwa sa AWS, kasama ang ilang hepe ng iba’t ibang pamprobinsyang tanggapan.

Ayon kay Egargue, ang makabagong kagamitan ay ibinigay ng Weather Philippines Foundation na nakabase sa Switzerland at bahagi ng programang modernisasyon ni Pa-ngulong Noynoy Aquino.

Sinabi ni Spencer Querijero, Civil Defense Assistant ng PDRRMC Aurora na siyang nagsanay para sa operasyon ng AWS. Meron itong Integrated Sensor Suite (ISS), anemometer at console. May kakayahan itong sukatin ang ultra violet, temperatura, dami ng tubig sa hangin o humidity, lakas ng at kung saang direksyon ito nanggagaling na kung saan lahat ng actual reading o datos ay makikita sa console panel na nasa loob ng APDRRMO.

Wireless ang AWS na pinapatakbo ng enerhiya buhat sa araw. Meron itong sim card powered by Smart na siyang nagbabato ng mga datos sa console na siya namang magbabato ng direkta sa bansang Switzerland at ibabalik sa Pilipinas.

Agad namang nagpaabot ng pasasalamat si Gobernador Bellaflor Angara-Castillo sa napakagandang kaloob ng WPF at malaking tulong ang AWS para malaman ng mga awtoridad kung kailan kailangang magsagawa ng evacuation.

“Magaling ‘yang AWS dahil p’wede kaming sabihan, gaano kalakas ang hangin, gaano kalakas ang ulan na darating at ano ‘yung volume ng rainfall. Alam naman natin na prone tayo sa baha so kinakailangang alam natin exactly ang lakas ng ulan, ng wind at saka volume ng rainfall dito para kung kailangan mag-evacuate, tatakbo sila rito,” pahayag ng Punong Lalawigan.

Kasabay nito ang groundbreaking sa 7 milyong pisong halaga ng multi-purpose complex na nakatalaga rin bilang permanenteng evacuation center ng probinsya.

Aniya ang naturang pasilidad na itatayo sa loob ng Provincial Equipment Pool Office malapit lamang sa Aurora Trading Center ay magiging napakahalaga lalo na sa panahon ng kalamidad kung saan may ligtas na sisilungan ang mga tao.

(TONY DELA PEÑA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.