Atimonan-Slay Probe, Isu-Submit na Kay P-Noy

IHAHABOL UMANO ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Miyerkules ang resulta ng kanilang isinagawang pagsisiyasat  hinggil sa madugong engkuwentro sa Atimonan, Quezon na ikinasawi ng 13 katao.

Nabatid na bago pa man tumulak patungong Switzerland si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III mababasa na nito ang naging resulta ng imbestigasyon ng NBI.

Mismong ang NBI sa pamumuno ni Atty. Nonatus Rojas ang nagtakda ng deadline sa pagsusumite ng naturang resulta ng pagsisiyasat sa Pangulong Aquino.

Una nang inihayag ni Justice Sec. Leila de Lima na walang naganap na palitan ng putukan sa insidente. Ito’y base sa isinawagang re-enactment ng NBI sa insidente.

Sinabi pa ng kalihim na tila pina-ulanan ng bala ng mga pulis at sundalo ang mga sakay sa SUV Montero, kasamang namatay si Supt. Alfredo Consamino at ilang tauhan nito na pulis at sundalo na nagsilbi umanong security escort sa grupo ni Victor Siman.

Samantala, kinontra naman ng mga sundalong sangkot sa insidente ang naging pahayag ng kalihim. Iginiit ng mga ito na nagkaroon ng palitan ng putukan.

Nabatid din na mayroong witness ang militar na makapagpapatunay na nagkaroon talaga ng palitan ng putukan sa magkabilang panig.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.