Asset sa Droga, Patay sa Boga

ISANG MESTISONG Chinese ang binaril at napatay ng isa sa dalawang hindi nakikilalang suspek na pinaniniwalaang may kaugnayan sa droga sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Isang tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril ang tumapos sa buhay ng biktimang si Ronnie Haw, 40, may-asawa, electrician at stay-in sa Caloocan City Police-Station Anti-Illegal Drug (SAID).

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng nasabing himpilan ng pulisya, ang insidente ay naganap sa loob ng isang bahay na matatagpuan sa # 471 Int. 1, Heroes del 96, Brgy. 73, dakong alas-11:00 ng gabi.

Ayon kay Picky Igpuarra, 26, dalaga at stay-in din sa tanggapan ng SAID, nagpunta sila ng biktima sa bahay ng isang alyas “Boy” na kilalang drug pusher sa nasabing lugar subalit hindi nila nakita ang kanilang pakay. Sa halip, kanilang nadatnan ang isang alyas “Danna” at isang hindi nakikilalang lalaki na armado ng hindi nabatid na kalibre ng baril.

Sa puntong ito, walang sabi-sabing pinutukan ng hindi nakikilalang suspek ang biktima na tinamaan sa batok na nagresulta sa maagang pagkamatay ni Haw sa lugar ng pinangyarihan ng insidente.

Matapos nito ay mabilis na nagsitakas ang dalawang suspek sa hindi nabatid na direksiyon dala-dala ang ginamit na baril sa krimen, kung saan ay nagsasagawa na ang nasabing himpilan ng pulisya ng paghahanap laban sa dalawang nagsitakas na suspek.

Kaugnay nito, napag-alaman mula sa ilang residente sa naturang lugar, si Boy at ang dalawang suspek ay pawang hayagang nagbebenta ng ipinagbabawal na droga.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.