ASG Member, Lasog sa Dalang Bomba

HALOS MAWASAK ang katawan ang di-kilalang lalaki na sinasabing kasapi ng bomb terrori-st squad ng Abu Sayyaf Group matapos na sumabog ang bitbit nitong bombang itatanim sana sa mataong lugar sa Basilan kamakailan.

Sa ngayon, bineberipika pa rin ang pagkakakilanlan ng bomber na lulan ng motorsiklo.

Lumalabas sa report ni P/ Senior Supt. Mario Dapilloza na nakarating sa Camp Crame, nangyari ang insidente sa kahabaan ng highway sa Barangay Balagtasan, Lamitan City.

Nabatid na nakamotorsiklo ang suspek patungong Isabela City nang biglang sumambulat  ang improvised explosive device na nakatago sa pouch bag nito na nakakabit sa kaniyang baywang.

Base sa intelligence report, may planong maghasik ng terorismo ang Sayyaf sa Isabela City na magpapasabog ng bomba sa mataong lugar kaya agad na naglatag ng checkpoint ang militar at pulisya.

Bunga nito ay ipinihit ng salarin ang motorsiklo pabalik upang iwasan ang checkpoint pero ilang metro pa lamang nakakalayo ay biglang sumabog ang dala nitong bomba.

Samantala, sa lakas ng pagsabog ay halos nagkalasug-lasog ang katawan ng suspek habang narekober naman ang mga bahagi ng sumambulat na eksplosibo na kinabibilangan ng spare parts ng cell phone, isang piraso ng 81 millimeter ammunition at cal. 45 pistol.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.