Arroyo, Puno, Versoza, Et Al, pinakakasuhan

PORMAL NANG INIREKOMENDA ng Senate blue ribbon committee ang pag-hahain ng kasong kriminal laban kay dating First Gentleman Mike Arroyo at iba pang personalidad kaugnay sa maanomalyang pagbili ng Philippine National Police (PNP) ng mga lumang helikopter sa presyong brand new.

Sa isinagawang pulong-balitaan, inihayag ni committee chairman Sen. Teofisto Guingona III na nagkaroon ng sabwatan sa panig ni Arroyo at ilang matataas na opisyal ng PNP para dayain ang gobyerno sa nasabing bentahan.

“The committee finds conspiracy among and between Mike Arroyo and the officers of the PNP. With Mike Arroyo’s influence, a scheming conspiracy ensured that the supply contract will be signed – and that despite the clear fact that the delivered helicopters were clearly used helicopters, these will nevertheless be accepted by the PNP,” ayon kay Guingona.

Kabilang pa sa pinakakasuhan ng komite sa Office of the Ombudsman dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ay sina dating Interior Sec. Ronaldo Puno, dating PNP chief Jesus Versoza, Luizo Cristobal Ticman, Ronald Dulay Roderos, Romeo Capacillio Hilomen, Leocadio Salva Cruz Santiago Jr., Jefferson Soriano, Herold Ubalde, George Piano, Luis Saligumba, Job Nolan Antonio, Edgar Paatan, Ermilando Villafuerte, Roman Loreto, Miguel Coronel, Oscar Valenzuela, Conrado Sumanga, Jr., at Crisostomo Garcia.

Maliban sa nabanggit na kaso, nahaharap din sa hiwalay na asunto ang mga nabanggit dahil sa paglabag sa Government Procurement Reform Act.

Maalala na una nang sinampahan ng kasong Plunder sa Ombudsman si Arroyo at 25 iba pa kaugnay pa rin sa usapin.

Sa naunang kaso na isinampa ni Police Supt. Edgar Cabrera Danao, ang hepe ng Anti-Fraud and Commercial Crimes Division ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kasong pandarambong ang iniharap kina Arroyo partikular ang paglabag sa RA 9184, RA 3019, Articles 171, 172 at 208 ng Revised Penal Code.

Magugunitang si Arroyo ay itinuro na nagmamay-ari ng dalawang laspag na choppers na ibinenta sa PNP sa presyong brand new.

Una na ring itinanggi ni Arroyo ang paratang kasunod ng paglutang ng kanyang kapatid na si Rep. Iggy Arroyo na siyang sumaklolo at iginiit na hindi nila pagmamay-ari ang naturang mga helikopter sa halip ay inupahan lamang ito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.