Arraignment Laban kay Andal Sr. sa Ika-58 biktima, Itinakda na

ITINAKDA NA sa susunod na linggo ng korte ang arraignment laban kay dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. at anak na si dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan, kaugnay pa rin sa kontrobersiyal na Maguindanao massacre case.

Ang nasabing arraignment ay ipinag-utos ni Quezon City-Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes matapos makitaan ng probable cause ang dalawang akusado sa pagkamatay ng photojornalist na si Reynaldo “Bebot” Momay.

Si Momay ang ika-58 na biktima nang karumdumal na krimen na nangyari noong November 23, 2009, kung saan kabilang ang ilang miyembro ng media ang nasawi sa tinaguriang “worst political massacre” sa kasaysayan ng bansa.

Bagama’t hindi natagpuan ang bangkay nito, pero base sa resolusyon ng Department of Justice, malinaw umanong mayroong sapat na ebidensiya na kasama siya sa mga biktima.

Una rito, tiniyak ng Administrasyong Aquino na magkaroon ng convictions laban sa mga sangkot sa kontrobersiyal na Maguindanao massacre case, bago magtapos ang termino ng Pangulong Benigno Aquino III sa 2016.

Ayon naman kay Department of Justice Sec. Leila De Lima, “marching order” umano ng presidente na magkaroon ng paghatol laban sa mga salarin bago ito bumaba ng Palasyo.

Binanggit pa ng kalihim na target umano nilang mahatulan ang mga pangunahing akusado, partikular ang mag-amang Ampatuan.

Samantala, kabilang sa mga akusado sa krimen ay si dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr., at mga anak na sina dating Mayor Andal Ampatuan Jr., at dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.