Areglo Para sa Kaanak ng Ilang Biktima ng Maguindanao Massacre, ‘Di Natuloy

“WALANG NAPIRMAHANG kasunduan.”

Ito ang nilinaw ng abogado ng ilang biktima ng Maguindanao Massacre na si Atty. Harry Roque matapos maiulat na nakipag-areglo na sa mga Ampatuan ang mga kaanak ng 14 sa 58 biktima.

Ayon kay Roque, bagama’t nababahala silang tunay ngang may ganitong report ng pakikipag-ayos kabilang ang apat sa kanyang kliyente, hindi naman ito natuloy.

Bukod pa ito sa “dalawang linggo matapos pinasok itong special power of attorney ay napatay rdin (‘yung taong binigyan nila ng awtoridad). Walang nangyari sa awtoridad dahil patay na ang tao.”

May kontak at malapit umano sa mga Ampatuan ang taong ito.

Laman umano ng nasabing kasunduan ang isang waiver at pagtanggi sa karapatan sa krimen kung saan itinuturo pa umano nito ang sisi sa asawa ng isa mga biktima na si Governor Esmael Mangudadatu.

Kinumpirma rin aniya ito ng isa sa mga kliyente niya, pero ipinaabot niya rito na kanyang naiintindihan at hindi dapat husgahan agad ang mga ito.

Ika-43 buwang anibersaryo na ng karumal-dumal na krimen noong Hunyo 23.

Ngayong hindi naman nakausad ang tangkang areglo, sinabi ni Roque na pagkakataon ito para makalampag muli ang gobyerno.

Sigaw ni Roque ang obligasyon ng estado na bigyang kumpensasyon ang mga biktima, sang-ayon na rin sa United Naions at International Covenant on Civil and Political Rights.

Bukod pa ito sa iuutos ng korte na civil damages.

Sinabi ng abogado na ang nangyari ay “tao ng gobyerno, binaril ng gobyerno, bala ng gobyerno ang ginamit para malabag ang karapatan ng biktima.”

Ang hindi umano pagsagot ng pamahalaan sa nasabing kumpensasyon ang siyang idinulog ng grupo nina Roque sa UN Human Rights Commission.

Samantala, aminado naman si Roque na tiyak na mahihirapan ang administrasyong Aquino na resolbahin ang kaso sa ilalim ng kanyang termino.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.