Anti-Enrile Senators, Ipokrito – JPE’s Chief of Staff

“THEY ARE hypocrites.” Ito ang tawag ng chief of staff ni Senador Juan Ponce Enrile sa mga senador na sinasabing bumabatikos sa pangulo ng Senado.

Sinabi ni Gigi Reyes ng Office of the Senate President na ang mga kumukuwestiyon sa umano’y pamumudmod ng cash gifts ni Enrile ay ang mga mambabatas na natulungan pa nito sa pondo.

Sa kaso aniya ni Sen. Antonio Trillanes IV, si Enrile ang nagmungkahing dagdagan ng P5 milyon ang pondo nito dahil iisa lamang ang hinahawakang komite.

Si Sen. Alan Peter Cayetano naman aniya na nagsasabing ilegal ang P250,000 cash gift mula sa pondo ng opisina ni Enrile ay patuloy na tumatanggap at hindi nagbabalik nito.

Kinuwestiyon naman ni Reyes si Sen. Pia Ca-yetano kaugnay ng noo’y alegasyong iniipit ni Enrile ang Reproductive Health (RH) Bill.

Pagsisiwalat niya, tinulungan pa ng Senate President si Cayetano para hindi maantala ang panukala.

Sa kaso naman aniya ni Santiago, bagama’t hindi ito opisyal na miyembro ng minorya, hindi naman ito kailanman dumalo ng caucus ng mayorya.

Sinabi rin ni Reyes ang naunang pahayag ni Enrile na bagama’t walang additional maintenance and other operating expenses (MOOE) ang apat na senador, malaki rin naman ang budget ng mga ito dahil sa committee chairmanship at oversight committee budget.

Hindi lang din aniya ang apat ang walang dagdag na MOOE, kundi maging ang Senate President.

Kaugnay naman ng isyu ng umano’y cash gifts, binigyang-diin pa ni Reyes na ito’y kasunod lang din ng panghihingi ng mga senador.

Samantala, nabanggit ni Reyes na muling ihahain ni Enrile ang mosyong bakantehin ang Senate presidency.

Lunes ng hapon nang unang imungkahi ni Enrile na mabakante ang posisyon pero hinarang ito ng mga kapwa mambabatas.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.