Anti-child labor campaign, inihirit ng DOLE

SINIMULAN NA ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga tripartite consultation para mapalawak pa ang listahan ng mga mapanganib na hanapbuhay para sa kabataan.

Base sa naturang pahayag, sinabi ni DoLE Undersecretary Ciriaco Lagunzad III na nirerepaso ang Department Order No. 4, Series of 1999 (Hazardous Work and Activities to Persons Below 18 Years of Age) ng kagawaran upang madagdagan ang mga saklaw na benepisyaryo hinggil sa kampanya ng pamahalaan na bawasan nang malaki ang kabataan na nagtatrabaho sa mapanganib na kalagayan pagsapit ng 2016.

Ayon kay Lagunzad, ang reporma sa dalawang-dekadang department order na DO No. 4 ay bunsod ng paglitaw ng mga bagong hanabuhay, sektor ng industriya at work arrangement.

Kinilala ng International Labor Organization (ILO) ang hazardous child labor bilang “work which, by its nature or the circumstances in which it is carried out, is likely to harm the health, safety or morals of children.”

Kabilang dito ang prostitusyon, pagmi-mina, hanapbuhay bilang kasambahay, at maging ilang trabaho na pang-agrikultura.

Samantala, binigyang-puri naman ng ILO ang DoLE sa hakbang nitong palakasin ang anti-child labor campaign. Inirekomenda rin ng international body na baguhin ang listahan tuwing tatlo hanggang limang taon upang matiyak na mapoproteksiyunan ang kabataan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.