Annabelle Rama, gustung-gusto si Jewel Mische!

TRADITIONAL NA TALAGA na tuwing Valentine’s Day ay lumalabas ang halos lahat na mga tao para ipagdiwang ang araw na ito.

Double celebration pa naman nu’ng kamakalawa dahil Chinese New Year na rin kaya sa tanghali pa lang ay naki-celebrate na kami kay Mother Lily sa kanyang Chinese New Year party na ginanap sa Imperial Palace.

Halos lahat ay inabutan niya ng ampaw, na ang unang-unang nakatikim ay ang dalawang magagandang girls ni Ruffa Gutierrez na sina Lorin at Venice.

Karay-karay ni Tita Anabelle Rama ang dalawa niyang apo at tuwang-tuwa itong tinitingnan ang dalawang bagets na nag-i-enjoy sa tiger dance.

Sabi nga nila roon, nagmana yata kay Manay Lolit Solis ang dalawang bagets. Pagkatapos silang abutan ni Mother Lily, humihirit pa ng “I want more” ang dalawa. Tawa lang nang tawa si Tita Anabelle sa pagkaharbatera ng dalawang apo niya.

Nakatsikahan namin doon ang girerang Mommy ni Richard Gutierrez at tipid ang mga sagot nito kapag lovelife na ni Richard ang mga tanong namin.

May mga naglabasang balitang babalik daw si Jewel Mische bilang leading lady ni Richard sa Capatain Barbell at hindi pa sure kung si Georgina Wilson ang kasama.

Hindi pa naman daw final sey ni Tita Anabelle dahil pinag-uusapan pa lang. Sina Ms. Anette Gozon-Abrogar naman daw ang magdi-decide kung sino na ang makakasama ng anak niya sa bagong fantaseryeng ito.

Pero may mga naririnig pa kaming baka hindi rin matuloy ang Captain Barbell. Kaya kung totoo nga ito, baka gawin na ni Richard ang hosting sa Survivor.

Tinanong namin si Tita Anabelle kung boto ba siya kay Jewel bilang kasintahan ni Richard.

Hanggang ngayon kasi ay tahimik si Richard, pati na rin si Jewel, kapag tungkol sa kanilang relasyon na ang tinatanong.

“Hindi ko naman, ‘Dong, pinakikialaman ang lovelife ng mga anak ko, lalo na ang mga lalaki. Nagtatanong lang ako minsan, pero hindi ako nangingialam. Kay Ruffa lang ang binabantayan ko, babae ‘yan eh!” Sagot nito sa amin.

“Pero si Jewel, mabait iyan. Gusto ko iyan kasi madasalin na bata iyan, gaya ko rin, halos araw-araw .”

Kaya mukhang tanggap na tanggap na nga ng pamilya si Jewel at nakikita namang seryoso si Richard dito. Kaya malamang isa sa mga araw na ito ay magsasalita na rin si Richard at sabi nga niya noon, bubuksan din niya sa publiko kung sino ang nasa puso niya, at ewan ko lang kung si Jewel na nga ito. Abangan na lang natin.

BALIK SA VALENTINE’S Day, nag-ikut-ikot kami sa mga Valentine concert at halos lahat ay punung-puno.

Nu’ng February 13 pa lang, jampacked ang SMX sa SM-MOA, kung saan ginanap ang Last Valentine Show nAPO Sila ng Apo Hiking Society kasama si K Brosas.

Biro nga ni Danny Javier, “Marami pala ang gustung-gustong manood na maghihiwalay na tayo.”

Bale ‘yun na nga ang last Valentine show ng tatlo dahil magri-retire na ang kanilang grupo at balak nilang magkaroon na lang ng last na malaking show sa Mayo.

Hindi naman natuloy ang Valentine show nina JayR at Billy Crawford kasama sina Kyla at Nikki Gil dahil sa nagkaproblema raw sila sa producer.

Punung-puno rin ang One A-more Time nina Martin Nievera at Pops Fernandez nu’ng kamakalawa ng gabi at in fairness sa dalawa, hindi mo pa rin sila pagsasawaan dahil maganda ang show, pati ang pagdirek ni Rowell Santiago.

Punung-puno rin ang Valentine concert ni Kuh Ledesma kasama sina Christopher de Leon at Jomari Yllana na ginanap sa Captain’s Bar ng Mandarin Hotel. Kahit may kamahalan ang tiket, sold-out ito dahil halos lahat yata ay gustong mag-date sa concert para makinig ng mga love songs.

Kaya kumita na naman ang mga producer ng mga Valentine concert kaya sa susunod na naman, dahil type na type talaga ng mga Pinoy ang ma-in love.

By Gorgy’s Park

loading...

One thought on “Annabelle Rama, gustung-gusto si Jewel Mische!

Leave a Reply

Your email address will not be published.