Anibersaryo ng Maguindanao Massacre, Ginunita

SINIMULAN SA CARAVAN mula sa iba’t ibang panig sa Mindanao ang paggunita sa unang anibersaryo ng masaker sa Ampatuan, Maguindanao, kahapon.

Mahigit 100 sasakyan ang kasama sa convoy ng pamilya Mangudadatu sa pangunguna ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu mula sa bayan ng Buluan, patungo sa massacre site sa Sitio Masalay sa Barangay Salman sa bayan ng Ampatuan.

Kabilang naman sa caravan mula sa mga lungsod ng Davao, General Santos at Cotabato ang mga pamilya ng iba pang biktima ng masaker.

Dumalo sa paggunita si Justice Secretary Leila de Lima bilang kinatawan ni Pangulong Noynoy Aquino.

Sa mensahe ng Pangulo na binasa ni De Lima, ginarantiya nito sa pamilya ng mga biktima na matatamo nila ang hustisya.

Aminado naman si Mangudadatu na mahirap para sa kanya na patawarin ang mga taong nasa likod ng November 23 massacre. Kabilang sa mga pinatay ang kanyang asawa at dalawa pang kapatid na isa sa mga ito ay nagdadalang-tao.

Sinabi ni Mangudadatu na makalipas ang isang taon, patuloy ang kanyang pagluluksa sa pangyayari at dahil dito ay mahirap para sa kanya ang magpatawad.

Nakadaragdag aniya sa bigat ng kanyang nararamdaman ang mabagal na takbo ng paglilitis laban sa mga miyembro ng pamilya Ampatuan at iba pang sangkot sa krimen.

Iginiit ni Mangudadatu na ang Nobyembre 23, 2009 ang “darkest moment” sa kasaysayan ng Maguindanao at dapat ituring na “martyrs” ang limampu’t walong biktima sa masaker.

Samantala, hindi lang ang Filipino media ang lumahok para gunitain ang National Day of Remembrance para sa biktima ng karumal-dumal na krimen, maging ang mga miyembro rin ng International Federation of Journalist (IFJ) sa mahigit 100 na bansa.

Ang IFJ ay affiliate ng National Union of Journalist in the Philippines (NUJP). (EUNICE CALMA)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.