Angelica at Derek, ‘di na kailangang gumimik para sa promo ng movie – Pilar Mateo

MASASABI MO NGA na sobrang haba ng hair ng aktres na si Angelica Panganiban. At sa estado nito ngayon sa relasyon niya with Derek Ramsay, kitang-kita kung gaanong ka-secure ang dalaga. Kaya kahit na ano’ng intriga ng panli-link kay Derek sa ibang babae, sa loob o labas man ng showbiz, parang ang gusto lang sabihin ni Angelica sa mga gustong sirain sila eh, ‘Talk to the hand!’

Ngayon ngang binigyan sila ng Star Cinema Productions ng proyektong makaka-triyanggulo pa si Gabby Concepcion, ni hindi kelangan ng dalawang mag-trying hard sa pagpo-promote ng kanilang pelikula. Dahil may instant magic nang kumakawala sa dalawa. Sa kuwento pa lang ng ka-sweet-an sa relasyon nila, kilig-to-the-highest degree na ang nararamdaman ng mga nakaka-relate sa kanila.

Hindi lang kasi sa sports niyang Frisbee creative si Derek. Pati sa pagpaparamdam ng damdamin niya sa babaeng minamahal eh, kakaiba siya. Extreme ang regalong magbibigay ng sangkaterbang memories para kay Angelica – putik, patay na kuko, sasakyan, ang inaasam-asam na Hermes bag ng mga kababaihan, trips sa kung saan gustong magbakasyon ng dalaga.

Actually, delikado rin ang sports na pinagkakaabalahan ni Derek. Kung souvenir at souvenir lang, eh,marami na siyang napunit na ligament sa kanyang tuhod, nabaling buto sa ilong, bali sa tadyang, sa sakong, pati mata nagmuntik-muntikanan, sari-saring tahi at peklat sa hita, binti, pati siko niya.

Pero sa tindi nga ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kanya ni Angelica, mukhang malabo nilang masabi ang ‘I love you, goodbye!’ sa isa’t isa.

IBINALIK SA AKIN ni Jomari Yllana ang tanong kung lahat na lang daw ba ng babaeng makikitang kasama niya, eh, kailangan talagang i-link sa kanya?

Nagkatawanan na lang kami. Eh, kasi nga, dahil wala siyang dyowa, iniisip na agad ng mga nakakakita na meron siyang bagong nililigawan.

Matapos nga niyang maging abala sa linggo-linggo niyang paghahanda para sa Celebrity Duets, kung saan nakasama siya sa naiwang top three na pinanalunan ni Joel Cruz, na-enjoy raw nang husto ni Jom ang mga pinaggagagawa niya du’n tuwing Sabado. Akala mo nga raw, eh, nag-workshop siya at para lang binalikan ang mga ginagawa niya nu’ng nasa elementarya siya sa Ateneo.

Nasaksihan namin mismo ‘yung time na nakasama niya uli si Joey ‘Tsong’ Marquez at nakigulo pa ang kapatid niyang si Anjo sa ‘Kawawang Koboy’ performance nila.

At matapos nito, balik na sa pag-e-emote si Jom sa 1st Christmaserye ng Kapuso, sa Sana Ngayong Pasko as the young Dante Rivero.

“Parang guest stint lang. This December kasi, gusto ko ring magkaroon ng break kahit sandaling-sandali. May mga inaayos na kasi kami ng Fearless sa pagpasok namin sa mundo ng telebisyon, as in ‘yung bago naming project for TVX, ‘yung dating Makisig Channel. And along with that, naghahanda na rin para sa susunod nating big concert by February. Yes, this will involve another international performer na naman.”

So, wala pa ring special someone na sasalo sa kanya ngayong Pasko, na sasabihan naman niya ng ‘Sana ngayong Pasko?’

“Nandyan ang family ko. And of course my son Andre. Mahirap pa uling pumasok sa isang serious commitment at this time. Work na lang muna. Ipon ng ipon. Para everybody, happy. Alam mo na…”

Loud and clear!

The Pillar
by Pilar Mateo

loading...

2 thoughts on “Angelica at Derek, ‘di na kailangang gumimik para sa promo ng movie – Pilar Mateo

Leave a Reply

Your email address will not be published.