Angel Aquino, pinapaliguan ng mamamahaling regalo ng young businessman!

JACK EN POY, hale-hale hoy! Sino’ng matalo, siyang unggoy!

Naku, eh parang ganito na lang ‘ata ang dapat na gawin ng mga artistang ang pagtatalo at pinag-uusapan on national television at kahit saan pa eh, para lang mapatunayan kung sino ang naunang nagpadala ng text message kung kanino.

Para na nga lang, larong bata ang mga awayan ng mga tao in the business. Natural, gaya ng mga larong bata nung araw, wala talagang magpapatalo.

Kaya nga, bago umalis patungong Dubai si Ruffa Gutierrez, kumabaga sa lahat ng hawak nitong alas at ebidensya, sumige na siya at matapang na umupo para makapanayam ng co-host niya sa Paparazzi na si Mo Twister.

May timeline ang Ruffa sa mga text messages sa kampo ni John Lloyd Cruz na ipinarating sa kanya. At naka-save lahat ng mga mensahe nito at ng girlfriend na si Shaina Magdayao.

Pero, kahit hindi na nasa-shock ang iba sa tinuran ni Ruffa tungkol sa pagiging lasenggo ni John Lloyd. Eh, ano pa nga ba ang iisipin mo kapag sinabing binubuhat ito kapag nalalasing?

‘Yun ang mga pasabog na binitawan ni Ruffa sa interview sa kanya ni Mo Twister.

At nakikini-kinita ko nang bago pa man ito lumulan ng eroplano nang magtungo siya sa Dubai, hindi sad face ang emoticon sa kanyang cell phone na ipinahatid niya sa mga supporters niya but a big smiley!

So, sa nangyari, sino ang nanalo sa mala-jack en poy na larong ito? Dahil may babala ang Ruffa, na kung aariba pa rin daw sa pagsasalita ang Shaina, eh ipakita rin nito ang laman ng mga mensaheng isinagot lang niya sa cellphone ni John Lloyd.

 

NAG-KRUS NA NAMAN ang landas namin ng personal manager ng Superstar na si Kuya Boy Palma. Ikalawang pagkakataon ito du’n sa Ali Mall, ang una eh, nu’ng mismong kaarawan ko.

That night, nagpapahinga na ang Superstar, ayon kay Kuya Boy. At noon pa raw Star Awards for Music sila huling nagkasama.

Tinanong ko kasi si Kuya Boy kung saan na lilipat ang Superstar dahil that night eh, tapos na ang kontrata nito sa unit na inokupahan niya sa Excelsior Hotel sa Eastwood. Sabi ni Kuya Boy, hindi pa naman daw siya sinasabihan kung kelan ang alis nito sa nasabing unit. Pero nag-suggest nga siya na mag-renta na lang daw ito ng bahay dahil nakatakda namang bumalik sa Amerika ang Superstar early January 2012 para maisagawa na ang kanyang operasyon sa Boston sa nasabing buwan.

Wala pa naman din daw alam si Kuya Boy na sisimulan nang soap o show ni Nora sa TV5. Maski na sa pelikula. Kasi nga raw, panay na pagre-revise pa ng script sa naka-takda nitong gawing pelikula for Regal Films, na sa Chinese New year in February raw itataon ang pagpapalabas, ang nakararating sa kanila.

Kung Pebrero na next year makakauwi uli ang Superstar eh, hindi pa rin daw batid ni Kuya Boy.

“Basta, all her schedules, ang TV5 na ang talagang nakakaalam. Kaya lahat, sa kanila na rin ipinapaalam. Hindi naman sila mahigpit. Basta ipapaalam lang.

Siyempre, kung ooperahan siya ng January, kailangan din munang magpahinga siya kahit sandali.”

 

MAY MABABALITAAN NA kaya tayong bagong love life ang mahusay na aktres na si Angel Aquino?

Ang nakilala naming persistent suitor nito na isang kilalang businessman ang nagpahatid sa akin ng balitang finally, nagkita at nag-meet na sila ni Angel in Cebu recently.

Interesado rin ang nasabing businessman na kunin si Angel para mag-endorso ng ilulunsad nilang produkto. Dahil nga gandang-ganda ito sa mukha ng aktres.

At ginawa nito ang lahat para malaman ang address ni Angel, pati na ang kanyang cellphone. At dito naman lumitaw kung gaano ka-romantiko ang nasabing businessman.

Dahil pinaliguan nito ng mga regalo ang aktres. Mula sa Prada bag, fruits and flowers and hold your breath, isang ke-laki-laking TV. 51 inches nga ba ‘yun?

Kaya, sa pagsisipag ng nasabing businessman na mag-pursige, malamang na ‘di malayong mahulog na rin ang loob ng aktres sa binata pa ring businessman na in his early thirties, ha?

I should be happy for them. Accomplice ako, eh. Ha-ha! Kaya, sakay na!

The Pillar
by Pilar Mateo

loading...

6 thoughts on “Angel Aquino, pinapaliguan ng mamamahaling regalo ng young businessman!

  1. Ang ganda ganda ni Angel Aquino. Hin di kataka takang marami ang ma inlove sa kanya. Disenteng babae pa. Ruffa Gutierrez, inggit ka ?

  2. Pingback: Angel Aquino, pinapaliguan ng mamamahaling regalo ng young businessman! | Trends 24/7

Leave a Reply

Your email address will not be published.