Ang solusyon sa traffic problem sa EDSA

Sang-ayon ako sa ipinapanukala ni Senator Ralph Recto sa MMDA na bawasan ng kalahati ang bilang ng mga bus na bumibiyahe sa EDSA bilang sagot sa talamak na problema sa traffic sa nasabing kalsada.

Kapag tumugon ang MMDA sa panukalang ito, bukod sa gaganda na ang daloy ng trapiko sa EDSA, tuluyang mababawasan na rin ang mga disgrasyang dulot ng mga kaskaserong bus driver na nagpapaligsahan sa pag-aagawan ng mga pasahero.

Sa tuwing dumadaan ako sa EDSA, napapansin ko ang mga bus na tatatlo o lilima lang ang sakay na mga pasahero. Ang iba sa kanila ay ginagawang garahe ang bus stop hanggang sa humaba na ang pila nila at nagkakaroon na ng bottle neck kung kaya’t umaabot ng kilu-kilometro ang pagkakabuhul-buhol ng traffic. Ang iba naman ay hindi nga pumipila pero nag-uunahan at rumaragasa sa pagpunta sa mga susunod na bus stop para makuha ang mga katiting na pasaherong nag-aantay.

Sa pag-aaral na ginawa ng World Bank, ayon kay Recto, ang dapat lamang na bilang ng mga bus na bibiyahe ng EDSA ay 1,600. Ngunit sa kasalukuyan, umaabot sa 7,000 ang lahat ng mga bus na tumatahak dito at ang resulta ay sobrang pagkakabuhul-buhol ng trapiko.

Hindi na lingid sa kaalaman ng MMDA at LTO na mas marami ang bilang ng mga colorum kaysa sa mga lehitimong mga bus na bumibiyahe sa EDSA araw-araw. Ang siste pa, kapag nahuli ang mga colorum na ito, matapos mabayaran ang multa, muli itong ipinapabiyahe ng mga operator gamit ang mga pekeng plaka sa kaso ng mga bus unit, at pekeng lisensiya naman sa kaso ng mga driver. Kaya ang resulta ay walang katapusang problema sa mga tumatakbong mga colorum bus at wala na ring katapusan ang talamak na problema sa buhul-buhol na trapik sa nasabing kalsada.

Kahit na bawasan ng sobra pa sa kalahati siguro ang bilang ng mga bus sa EDSA, sapat pa rin ang mga matitirang bilang para ma-accomodate ang volume ng commuters na tumatangkilik ng bus. Bukod pa, nariyan naman ang MRT at LRT na mas mabilis at mas maaasahan ng mga pasahero.

Pero malaki ang duda ko na hindi papayag ang MMDA sa ipinapanukala ni Recto. Dahil tulad ng sa Jueteng, pinakikinabangan ang mga illegal (colorum) bus operators na ito. Kung inyo pang matatandaan, kamakailan, isinuhestiyon pa nga ng mga sira-ulong mga taga-MMDA na ibalik ang dating ODD-EVEN number scheme bilang sagot daw sa problema ng traffic sa EDSA kaysa paghuhulihin nila at tuluyan nang pagretiruhin, as in gibain o ibenta sa junk shop, ang mga kalawanging colorum na bus.

Buti na lang at hindi pumayag ang mga mayor sa Metro Manila at sinupalpal ang nagluluwagang-turnilyo sa ulo ng mga tao sa MMDA na may pakana na muling ipatupad ang ODD-EVEN number scheme. Sa nasabing scheme, dalawa hanggang tatlong beses lamang sa isang linggo magagamit ng isang private car owner halimbawa ang kanyang sasakyan. Kaya nga ito ibinasura noon. Pero tila nalusutan yata si P-Noy at hindi niya alam na siya pala ay nakapag-appoint ng mga may tililing sa MMDA.

Ang WANTED SA RADYO (WSR) ay mapakikinggan tuwing 2:00-4:00 p.m., Lunes hanggang Biyernes, sa 558 kHz DZXL. Sa mga gustong makipag-ugnayan sa WSR mag-text sa 0917-7WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

One thought on “Ang solusyon sa traffic problem sa EDSA

  1. Hulihin ang lahat ng colorum, no exception to the rule. period. Dapat yong modelo lamang ang payagang magbiyahe, sabihin nating yong lahat ng model car 1990 pababa hindi na puede at ikansel na permanently. Ang polusyon dios ko po, grabe. puro ningas kugon, now wala ng nanghuhuli. Lahat ng driver, dapat may uniform, lalo na mga jeepney driver na minsan at nakakamiseta lang, dapat puri damit nila dahil itong kulay nato laban sa init ng araw, never dark color which is conductor of heat. Yong mga operator, dapat may disiplina, pag nahuli ang driver, dapat may penalty din ang operator. thank u po ka Raffy.

Leave a Reply

Your email address will not be published.