Ang Pulis na Bilib sa mga Mangkukulam

SA IPALALABAS NA episode ng WANTED sa TV5 sa Biyernes, February 11, 2011, pagkatapos ng Aksyon Journalismo, mapapanood ang kuwento ng isang pulis na ginamit ang pamamaraan ng mga mangkukulam upang matukoy ang totoong suspek sa isang kaso at maikulong ito.

Isang amo ang pumunta sa presinto para ipakulong ang kanyang kasambahay dahil sa bintang ng pagnanakaw ng kanyang mga alahas. Ang ebidensiyang iprinisinta ng amo sa nasabing pulis ay ang lumabas na resulta sa ginawang pagtawas ng isang umano’y mangkukulam.

At dahil lamang doon, idiniretso ni pulis si kasambahay sa kalaboso. Para sa kanya, matibay na ebidensiya ang resulta sa tawas. Hindi lang kasi isang beses lumabas sa tawas ang mukha ni kasambahay bilang nagnakaw ng mga alahas kundi maging sa pangalawang beses – na isinagawa naman ng isa pang umano’y mangkukulam pa rin. Kaya pakiwari siguro ni pulis, hindi nagsisinungaling ang tawas.

Sa nasabi pa ring episode, mapapanood ang walang habas na pamamaril ng isang pulis sa isang patakas at hindi armadong binatilyo. Maraming tinamong tama ng bala ang binatilyo sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan na pawang mga nasa likuran.

Binalak ng nasabing pulis na i-salvage ang binatilyo pero masuwerteng nabuhay ito. Ngayon ang magulang ng biktima ay umiiyak ng hustisya. Abangan.

SA HINDI PA nakaaalam, sa muli, nais ipabatid ng inyong SHOOTING RANGE na ang WANTED SA RADYO ay may bago nang tahanan. Ito ay mapakikinggan sa pihitang 92.3 FM, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm. Ang 92.3 NewsFM ay istasyon ng radyo ng TV5.

Bukod sa WANTED sa TV at WSR, isa pang maaaring takbuhan ng mga inaapi nating kababayan ay ang ITIMBRE MO KAY TULFO (IMKT). Ang IMKT ay isang segment ng noontime newscast na BALITAANG TAPAT na mapapanood sa TV5 pa rin, 11:30 – 12:00, Lunes hanggang Biyernes.

Sa mga nais makipag-ugnayan sa inyong SHOOTING RANGE para sa anumang sumbong mag-text sa 0917-7-WANTED o 0908-87-TULFO.

TUNGHAYAN NAMAN NATIN ang isang ipinadalang email sa inyong SHOOTING RANGE.

Sir Raffy,

Nais ko lang pong ireport na ang Riders Towing na located sa South Super Highway corner Calhoun Street ay nagbubutas ng gulong ng sasakyan at pagkatapos ito ay kanilang haha-takin. Ang mga driver at pahinante ay hinaharas at tinatakot nila para magbayad.

Dahil sa mga addict ang mga nagto-towing, natatakot ang mga taong lumaban. Bakit ganoon ang towing dito sa Magallanes? Ganito ba ang naghahatak ng sasakyan, kailangang butasin ang gulong para lang kumita sila.

Dapat iyong hepe ng may hawak sa lugar na ito ay umaksyon sa mga ganitong problema.

Sana mahuli ang mga gumagawa ng ganito at kapag sila ay nahuli, dapat pinarurusahan dahil kawawa naman ang taong biktima nila.

Lubos na gumagalang,

Rafael

GINOONG RAFAEL, ANG Riders Towing ay makailang beses nang isinumbong sa WSR at makailang beses na rin naming naiparating sa mga kinauukulan ang lahat ng mga sumbong laban dito. At sa tuwina, umaaksyon naman ang Makati PNP, at ilang beses na ring naipasara ito.

Ngunit sadyang matitigas ang ulo ng mga taong nasa likod ng kumpanyang ito at ang modus nila ay kapag nahuli at naipasara ay lumilipat lang ng garahe. Muling aaksyunan ito ng WSR.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.