Ang Pagbabalik ni Cogie Domingo

Inabangan ng maraming tagahanga ang Father’s Day special ng Maalaala mo Kaya. Bukod sa interesting ang episode noong araw na ‘yun, marami rin ang nasasabik na makita muli ang award-winning actor na si Cogie Domingo na sumalang muli sa pagda-drama. Sa nasabing istorya, ginampanan niya ang papel ng isang ‘house husband’, kung saan siya ang tumayong ama’t ina ng kanyang tatlong anak.

Kahit na bata pa siya para gumanap bilang ama sa isang anak na nagdadalaga, matagumpay na ginampanan ni Cogie Domingo ang kanyang papel bilang isang amang nagsusumikap na punan ang mga responsibilidad na hindi madaling gawin. Sa Twitter nga mismo, marami pa rin ang humahanga sa natural na pag-arte ni Cogie. Kung ikukumpara kasi ang kanyang istilo sa ibang sikat na artista ngayon, hindi lumalabas na ‘hard sell’ o ‘trying hard’ magpaka-drama actor itong si Cogie. Ang tunay na lalaki naman talaga ay hindi masyadong ma-emote sa totoong buhay.

Pinakanagustuhan namin ang parte kung saan sabay-sabay na kinailangan ng mga anak ang kanyang tulong, pero siya’y nalito at halos sumuko na. Panalo rin ang confrontation scene nila ni Eliza Pineda, na gumanap bilang anak niya na nagdadalaga na at ikinakahiya ang pagkakaroon ng amang ‘stay-in’ sa bahay. Hindi pa rin kumukupas ang kaguwapuhan ni Cogie. Marami nga ang kinikilig habang pinapanood siya at inaalala ang kanilang ‘elementary’ o ‘high school days’.

Unang nakilala si Cogie noon nang gampanan niya ang papel ng isang batang preso sa Deathrow. Dahil sa natatanging pagganap, kinuha siya ng GMA-7 para i-groom bilang isa sa kanilang top leading men. Mas pinalakpakan siya nang gampanan niya ang papel na Carlito sa Kung Mawawala Ka, kung saan si Sunshine Dizon ang kanyang kapareha at ginampanan ang isang kritikal na papel na mas matanda sa kanyang edad noong panahon na iyon.

Balik-pelikula rin si Cogie sa indie film na Muli kasama si Sid Lucero. Gay-themed ang movie na ito, pero base sa trailer, hindi naman ito bastusin at mukhang maganda ang pagkakagawa. Magtutuloy-tuloy na nga kaya ang muling pagbabalik ni Cogie Domingo sa showbiz? Sana nga, pero sana’y hindi na ito mabalutan pa ng mga walang katuturang intriga.

By Pinoy Fans Club

Questions? Comments? Suggestions? E-mail us at pinoyfansclub@gmail.com and visit our site at http://www.pinoyfansclub.com

loading...

3 thoughts on “Ang Pagbabalik ni Cogie Domingo

  1. i like cogie kc magaling talaga sya..
    i remember me movie sya before with eddie garcia tapos another with dina bonnevie..
    magaling sya..
    ewan ano ngyari at bgla na lang syang nawala..

Leave a Reply

Your email address will not be published.