Ang Padrino ng Isang Abusadong Traffic Enforcer

SI NARCISO SANTOS ay isa na namang ehemplo ng traffic enforcer na bukod sa pagiging saksakan ng abusado, tila maluwag na ang mga turnilyo sa ulo.

Pero malaki ang pagkakaiba ni Santos sa mga kapwa niyang abusadong traffic enforcer sa Navotas, dahil ‘di tulad nila, siya ay palaging may bantay na demonyo de la guwardiya na siyang sumasangga sa kanya upang hindi malagay sa kapahamakan sa tuwing mang-aabuso.

Ang bantay ni Santos ay hindi totoong demonyo na may sungay, pangil at buntot. Ito ay isang taong bantog na kilabot sa Navotas dahil sa kanyang baril at tsapa. Isa siyang pulis na nagngangalang SPO1 Jimmy Calvo. Bukod sa kanyang baril, mabilis na makaduro sa mga motorista ang anyo ni Calvo dahil sa kanyang nakakalbong buhok, astig na mukha at malaking pangangatawan.

Noong November 30, bandang 3:00 p.m., sa may C-4 sa Navotas, itinabi ni Reynaldo Ramirez ang kanyang taxi para magbaba ng pasahero. Matapos niyang maibaba ang nasabing pasahero, agad na may pumara sa kanya na babaeng pasahero. Ngunit dahil ang pumapara sa kanyang pasahero ay katabi ng isang traffic enforcer, inakala niyang bawal pumick-up doon kaya nilagpasan niya ito nang konti at saka huminto para hintaying sumakay na.

Sa hindi malamang dahilan, nagmistulang asong ulol si Santos at pinagpapalo niya ang side mirror ng taxi ni Ramirez hanggang sa masira at malaglag ang buong frame nito. Nang huminahon na ang naghuhuramentadong si Santos, humingi ng saklolo sa pulis si Ramirez.

Ang pulis na nahingian ng tulong ni Ramirez ay si SPO1 Calvo. Sa halip na siya ay saklolohan at kaawaan, kinastigo siya ni Calvo at tinakot pa na ikukulong. Sa puntong iyon, nagpasiya na si Ramirez na dumulog sa WANTED SA RADYO (WSR).

Tinawagan ng inyong SHOOTING RANGE si Santos. Ayon kay Santos, nasagasaan daw kasi ang paa niya ng taxi ni Ramirez kaya nagawa niyang wasakin ang side mirror frame nito. Ngunit mabilis naman na pinasinungalingan ni Zenaida Uy ang mga katuwiran ni Santos. Si Uy ang pasaherong pumapara noon sa taxi ni Ramirez.

Ayon kay Uy, kitang-kita niya ang lahat ng pangyayari at walang katotohanan ang pahayag ni Santos na nasagasaan ang paa nito. Kitang-kita rin daw niya kung paano pinaghahampas ni Santos ang side mirror ng taxi. Wala raw siyang nakikitang kasalanan ni Ramirez.

Sinamahan ng WSR si Ramirez sa tanggapan ng traffic enforcement unit kung saan naka-assign si Santos. Sa isang confrontation sa pagitan ni Ramirez at Santos, sa opisina ni James Lopez – hepe ni Santos, biglang pumasok ang hindi imbitadong si Calvo at pinagduduro si Ramirez. Sa muli, tinakot niya si Ramirez na makakasuhan at makukulong. Ngunit hindi umubra si Calvo sa reporter ng WSR at napilitan ding lumayas ito.

Napag-alaman ng WSR mula sa mga listeners na si Calvo ay matagal nang protektor ni Santos sa lahat ng mga tiwaling gawain.

Sa tulong ng WSR, si Santos ay sinampahan ni Ramirez ng kasong administratibo at kriminal. Ipinarating ng WSR ang mga inasal ni Calvo sa chief of police ng Navotas na si Col. Bernard Tambaoan. Nangako si Tambaoan na paiimbestigahan niya si Calvo.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.