Ang Kamag-anak Inc. sa Kyusi!

MUKHANG HINDI NAG-UUSAP itong si Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista at ang isa niyang matandang kamag-anak. Putok na putok na kasi ang pagpapadrino ng kamag-anak niyang ito sa lahat ng mga iligal sa Quezon City tulad ng mga pasugalan at prostitusyon.

Naniniwala pa rin ang inyong SHOOTING RANGE na hindi kinukunsinti ni Bistek ang mga masasamang gawain ng kanyang nasabing kamag-anak at malamang na hindi niya alam ang mga pinaggagagawa ng taong ito. Pero kapag wala siyang ginawang aksyon, iisipin ng mga residente ng Kyusi na may basbas niya ang mga iligal na gawain ng kamag-anak niyang ito at hindi niya ito kayang sawayin.

Iniuugnay ngayon sa nasabing kamag-anak ni Bautista ang kingpin ng gambling ng Quezon City na nagngangalang Don Ramon. Si Don Ramon ang tumatayong lotteng king ng Kyusi at siya ang binigyan umano ng basbas ng naturang kamag-anak para payagan ang lahat ng mga gustong mag-open ng illegal gambling franchise sa Kyusi.

Kailangan ding kalawitin ni Gen. Elmo San Diego, ang dating QCPD director at ngayon ay head ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Quezon City si Don Ramon. Bukod kasi sa nabanggit na kamag-anak ni Mayor Bistek, ginagamit din ni Don Ramon bilang panangga ang pangalan ni San Diego. Ipinangangalandakan ni Don Ramon sa mga awtoridad na kamag-anak niya ang misis ng retiradong general at dating QCPD director.

PINAG-IINGAT NG INYONG SHOOTING RANGE ang publiko laban sa isang doktor na nagngangalang Joseph Bagtas Morales. Si Morales ay inirereklamo ng kanyang mga biktima hindi dahil sa medical malpractice kundi dahil sa kanyang pagsa-sideline bilang isang illegal recruiter.

Si Janelle Zoleta, isang pharmacist at dating OFW ay personal  na  dumulog  sa   WANTED SA RADYO  noong  January 5, 2010. Ayon kay Janelle, nakumbinsi siya ni Morales na magbigay sa kanya ng 170 thousand pesos kapalit ng pagkakaroon ng immigrant visa sa Australia at trabaho na rin doon dahil ito ay nagpapakilalang isang prominenteng UP Alumni at isang doktor na nagmamay-ari ng All-UP Review and Education Center.

At katulad ng lahat ng mga illegal recruiter, maayos daw kausap si Morales ngunit nang makuha na nito ang pera ng kanyang mga biktima, magulo na itong kausap. Ang masaklap pa, ginagawa pang tanga ng doktor na ito ang kanyang mga biktima at pinangangakuan na ire-refund ang kanilang mga pera at idedeposito sa kanilang mga bank account, ngunit mapupudpod lang ang mga sapatos ng kanyang biktima sa kababalik-balik sa bangko.

Dumadagsa na ang mga biktima ni Morales. Ang mga paborito niyang binibiktima ay mga health professionals tulad ng pharmacist, nurse at physical therapist. Ang review center ni Morales ay matatagpuan sa 1638 Room 203 Casa Pennsylvania Condo, Leon Guinto St., Malate, Manila. May klinika rin si Dok na matatagpuan naman sa 127 6th Ave., East Grace Park, Caloocan City.

Makailang beses tinangkang tawagan ng WSR si Morales sa kanyang cellphone ngunit sa tuwina, kundi man niya kina-cancel ang aming mga tawag, hindi siya nagsasalita at pinakikinggan lamang ang aming mga sinasabi.

Sa mga oras na isinusulat ang artikulong ito, nakatakda nang dumulog sa tanggapan ni Atty. Dante Bonoan ng Anti-Illegal Recruitment Task Force ng NBI.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

3 thoughts on “Ang Kamag-anak Inc. sa Kyusi!

  1. sir, kami din po ay nabiktima ng lalaking yan. we’re student from FEU Manila.  niloko niya po kami gamit ang all up review center. at pinagbayad agad agad. sabi niya marerefund daw. pero hindi naman. grabe dapat mahuli na yan! madami nabibiktima!

  2. Sir Raffy Tulfo
    Kasama po ako sa ginawan ni dr Joseph Morales . Ako po ay isang pharmacist.. May mga ksama po ako ..George Delos Santos at Ruth Tizon mga pharamacist din po..
    Sino po ang lalapitan namin?

Leave a Reply

Your email address will not be published.