ANG FALSE HOPE SA VIZCONDE AT ANG PANGGIGIPIT NI RECOM

ILANG BRGY. CHAIRMAN sa Caloocan City ang nagpaabot sa atin ng kanilang hinaing hinggil sa diumano’y panggigipit sa kanila ni Mayor Enrico “Recom” Echiverri.

Ayon sa mga nagsumbong, kapag hindi ka kaalyado ni Meyor, lahat ng panggigipit dadanasin mo.

Matinding pang-iipit umano ang ginagawa nitong “instruksiyonadong” mga taga-City Hall maging sa pagpo-proseso ng mga dokumento para sa mahahalagang proyekto na ang pondo ay nagmula naman sa Internal Revenue Allotment (IRA).

‘Yan, parekoy, ay maliban pa umano sa katotohanang kapag nasa kabilang bakod ka ng pulitika, wala ni singkong duling na ayuda o proyektong darating sa iyo mula sa City Hall.

Naku ha! Iimbestigahan nating maigi ang bagay na ito, parekoy, at kapag napatunayan nating may katotohanan, tiyak na HAMBALOS ang aabutin sa atin ng mga hinayupak!!!

MALING PAG-ASA ANG nakikita nating idinuduldol kay Mang Lauro Vizconde kaugnay sa kahayupang nangyari sa kanyang pamilya.

Gaya ng paulit-ulit na binabanggit natin, nakikiramay tayo, parekoy, rito kay Mang Lauro sa sinapit ng kanyang mga mahal sa buhay.

Aba eh, halos himatayin ang kawawang matanda nang mari-nig ang deklarasyon ng Supreme Court na nagpapawalang-sala sa mga tao, na sa loob ng napakahabang panahon ay pinaniniwalaan na siyang mga salarin!

‘Yon nga lamang, parekoy, nagdesisyon na ang Kataas-taasang Hukuman at sinabing “sa kabiguan ng prosecution na patunayan beyond reasonable doubt ang guilt ng mga akusado” kaya sila ay idinideklarang ACQUITTED!

Sa simpleng paliwanag, ang prosecution din ang nagkaroon ng pagkukulang kung bakit ganito ang naging hatol ng Korte Suprema.

Kaya sa totoo lang, parekoy, kung patuloy na isasaksak natin sa isipan ni Mang Lauro na may pag-asa pa na baguhin ng SC ang desisyon nito mula sa ACQUITTAL patungong CONVICTION, “suntok sa buwan” na itong maituturing.

Na kung iduduldol natin ang “false hope” na ito kay Mang Lauro upang magdulot lamang sa kanya ng pagkaunsiyami sa darating na ilang araw…

…nangangamba ako parekoy na baka hindi na ito magdudulot ng maganda sa physical, mental at spiritual na kalagayan ni Mang Lauro.

Dapat siguro, parekoy, ngayon pa lang ay ilatag na kay Mang Lauro na halos wala nang maaasahan sa asuntong ito…

…na kung ang nasabing desisyon ng SC ay mabago man… ito ay milagro na lamang!!!

INAANYAYAHAN KO PO kayo na pakinggan ang PATAS at WALANG TAKOT na komentaryo ng inyong lingkod, Lunes hanggang Biyernes tuwing alas-6 hanggang alas-7 ng umaga sa programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME 1530 khz (dulong kanan ng inyong talapihitan).

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.