“Ang Bugbugan ng Magkasintahan”

SA PANIBAGONG social experiment ng T3 Reload na ginawa sa loob ng Quezon Memorial Circle, napatunayan namin na mas mahaba ang pasensya ng mga kababayan natin sa masasaksihan nilang sitwasyong pananakit ng isang babae sa isang lalaki – kumpara sa kung ang lalaki ang mananakit sa babae.

Sa unang eksena, nagplanta kami sa isang mataong lugar ng mga ka-sabwat na magpapanggap na magka-sintahan. May nag-text kay girlfriend at nagselos si boyfriend. Ang pagseselos ay humantong sa sagutan hanggang sa napunta sa murahan.

Pilit na inaagaw ni boyfriend ang cellphone ni girlfriend para alamin kung sino ang nag-text dito. Ayaw pumayag ni girlfriend kaya sa sobrang pikon ng selosong boyfriend, tadtad ng mura ang inabot ni girlfriend.

Sa puntong iyon, nakuha ng aming magkasintahan ang atensyon ng lahat ng nasa paligid. Pero wala pa munang nag-react maliban sa ilan na masama na ang titig sa nagdadadakdak na boyfriend.

Pero nang gumamit na ng pisikal na pananakit si boyfriend at sinabayan pa nitong puwersahang agawin ang cellphone ni girlfriend – at si girlfriend naman ay pumapalag at mangiyak-ngiyak na – dalawang lalaki ang ‘di na nakatiis at nakialam na.

Ang isa sa mga lalaking nakialam nang aking kapanayamin pagkatapos ng acting scene, sinabi niyang kapag hindi tinantanan ni boyfriend si girlfriend pagkatapos niyang pagsabihan ito, manununtok na siya. Labis na naawa raw siya sa girlfriend.

Samantalang ang dahilan naman ng isa pang nakialam na lalaki ay dahil mayroon daw siyang kapatid na babae at ayaw niyang nakikitang may babaeng sinasaktan sa kanyang harapan.

 

SA PANGALAWANG eksena naman, binaligtad namin ang sitwasyon. Nagplanta pa rin kami ng dalawang kasabwat na magpapanggap pa ring magkasintahan. Pero si masungit na girlfriend naman ang mang-aapi at mananakit sa kanyang under de sayang boyfriend.

Halos pareho ang script sa unang eksena. Ngunit dito, si girlfriend naman ang nagselos matapos na may nag-text kay boyfriend. Inaway-away ni girlfriend si boyfriend at pinagmumura. Mabilis na nakuha ang atensyon ng lahat ng nasa paligid ang acting ng dalawa.

Para subukin ang pasensya ng mga usisero’t usisera, binatukan, tinadyakan, sinampal, pinagtutusok at pinagpapalo ng payong ni girlfriend si boyfriend.

Todo-todo ang pagmamakaawa ni boyfriend kay girlfriend na itigil na nito ang pananakit sa kanya. Pero manhid ang mga nasa paligid at tila nag-e-enjoy pa sa napapanood nilang lover’s quarrel.

Mas pinaigting pa ng aming magkasintahan ang eksena. Pinagtutulak ni girlfriend si boyfriend hanggang sa masubsob ito sa semento at mangiyak-ngiyak si boyfriend sa pagmamakaawa kay girlfriend na parang isang basang sisiw.

Pero sa halip na maawa, mas lalong kinaladkad ni girlfriend si boyfriend at muling pinagpapalo ng payong samantalang si boyfriend naman walang tigil sa kasisigaw ng aray!

 

NGUNIT WALANG naawa sa boyfriend at walang umawat sa pang-aaping ginagawa ni girlfriend dito. Kaya pumasok na ako sa eksena. Sa aking ginawang panayam sa mga saksi, sinabi nilang kaya hindi sila nakialam dahil iyon daw ay away magkasintahan.

Pero isa sa mga lalaking saksi ang nagsabi na kapag nakita niyang sobrang pambubugbog na ang ginagawa ni girlfriend kay boyfriend, saka pa lang siya makikialam. Ang kanyang dahilan ay sapagkat sa eksenang iyon nakita niyang kontrolado pa rin naman daw ni boyfriend ang sitwasyon at pinagbibigyan lang ni boyfriend si girlfriend dahil sa labis na pagmamahal dito.

 

ANG MGA eksperimentong ito ay mapapanood sa T3 Reload sa TV5, 5:30 – 6:00pm. Ang unang eksena ay ipalalabas sa araw ng Martes at ang pangalawa naman ay mapanonood sa araw ng Biyernes. Abangan.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.