Ang Barumbadong Tapat

MALAKI ANG PAGHANGA ng inyong SHOOTING RANGE kay PO3 Noriel Batung Meman dahil may lakas siya ng loob na amining siya’y barumbado, ‘di tulad ng ibang mga pulis na isinusumpa pa ang buhay ng kanilang mga kamag-anak para sila ay paniwalaan lamang na hindi barumbado.

Bukod tanging si Batung Meman. Sa lahat ng barumbado siya ay isang sertipikadong tunay na barumbado base na rin sa kanyang mga pag-amin.

Noong November 28, bandang 9:00 pm, pagkatapos kumain sa isang restaurant tinungo ni Batung Meman, kasama ang isa pang pulis, ang pinagparadahan ng kanyang sasakyan. Pero nadatnan niyang may nakaharang na kotse sa harap ng kanyang sasakyan at hindi siya makaalis.

Sumiklab sa galit si Batung Meman na noo’y lango sa alak at hinanap ang may-ari ng kotse. Natunton niya ang mag-asawang sina Melvin at Arlene Ordoño na nagbabantay ng kanilang mga paninda na siya ring mga may-ari ng nasabing kotse.

Agad na pinagmumura ni Batung Meman ang mag-asawa. Nang magtangkang magpaliwanag si Arlene, lalong naburyong ang lasing na si Batung Meman at binunot niya ang kanyang baril sabay itinutok niya ito sa mag-asawa.

Hindi pa nakuntento, sinapok niya si Arlene na noo’y nangangatuwiran at sinisita ang kanyang paghuhuramentado. Hindi kayang awatin si Batung Meman ng kanyang kasamahang pulis. Maging ang security guard sa lugar na iyon ay wala na ring magawa sa pagwawala ni Batung Meman.

Nang mapagod na sa paghuhuramentado, saka pa lamang huminahon si Batung Meman. Dumating ang mga rumespondeng pulis at dinala sina Batung Meman at Arlene sa presinto – sa tanggapan ng Women’s and Children’s Desk (WCD) ng Pasay PNP na siyang may jurisdiction sa lugar na pinangyarihan.

Sa harap ng mga imbestigador ng WCD, muling sumiklab sa galit si Batung Meman. Sinabi niya kay Arlene na hindi na siya magsasampa ng kaso at quits na raw sila basta bayaran lamang daw ang gold bracelet niyang nawawala. Tumalsik ang nasabing bracelet dahil ito ay napigtas sa kasagsagan ng paghuhuramentado ni Batung Meman at hindi na malaman kung saan ito nalaglag.

Naramdaman ni Arlene na hindi niya makakamit ang hustisya sa WCD dahil mukhang wala ring magawa ang mga taga-WCD kay Batung Meman at tila kinakatigan pa nga nila ito kaya sumugod na lang si Arlene, kasama ang kanyang mister, kinabukasan sa WANTED SA RADYO (WSR).

Nakausap ng inyong SHOOTING RANGE si Batung Meman. Wala nang paliguy-ligoy pa, inamin niyang lasing lang siya noon at mainit ang ulo kaya nagawa niyang manutok ng baril, manakit at maghuramentado. Pero idinugtong din niyang nagkaaregluhan na raw sila ni Arlene sa presinto.

At ang aregluhang iyon ay kailangang bayaran ni Arlene si Batung Meman ng P15,000 – ang halaga ng gold bracelet niyang nawala sa kanyang paghuhuramentado.

Dahil sa kanyang katapatan sa pag-amin na siya nga ay nang-abuso, gagantimpalaan ng WSR si Batung Meman at ito ay ang pagbabakasyunin siya – pagbabakasyunin sa PNP ng permanente at sabay na i-check in na rin siya sa isang cottage sa New Bilibid Prison. Sa tulong ng WSR magsasampa ng kasong administratibo at kriminal ang mga Ordoño laban kay Batung Meman.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.