Ang Bagong Captain Barbell

MGA BIG STARS ang lahat ng gumanap bilang Captain Barbell. Gumanap na sina Edu Manzano, Bong Revilla at Richard Gutierrez bilang version natin ng superhero on spandex na nasa labas ng pantalon ang brip. Ngayong si Marian Rivera na ang gaganap na bagong Darna, sino naman kaya ang bagong Captain Barbell? Richard Gutierrez? Dingdong Dantes? Wala na bang iba? Marami pa naman ang gustong mabigyan ng magandang break, di ba? Kung pwede nga lang sana ako, bakit hindi? Kaso, ayaw ko namang mawalan ng fans ang mga matinee idols natin. Kawawa naman sila.

Si JC De Vera ang isa sa mga pwedeng gumanap na Captain Barbell. Pwedeng-pwede na siyang pumalit sa role na ginampanan ni Richard. Matinee idol din at malawak na rin ang fanbase. Matinik din sa mga chicks at kung kani-kanino na rin siya naipapares. Tapos ngayon, napapasok pa sa kontrobersiya, kaya naman madali na lang ang publicity. Bukod d’yan, machong-macho pa si JC at may abs. Ang abs at kontrobersiya ay magandang combination para sa susunod na Captain Barbell.

Kilala naman si Paolo Bediones bilang isang mahusay na TV host. Wala man siyang portfolio sa pag-arte, p’wede pa rin naman siyang gumanap bilang Captain Barbell. Mas madalas naman kasi na computer-generated image si Captain Barbell sa paglipad-lipad kaya di na masyadong pahahalagahan ang pag-arte. Saka boses pa lang, pang-superhero na. Isa pa, wala pang Captain Barbell na may makapal na balahibo sa katawan. Meron ng superhero, may kasama pang magic carpet. Kung hindi naman uubra si Paolo, p’wede rin naman si Dino Guevarra.

Galing naman sa pamilya ng magagaling na artista si Geoff Eigenmann. Kung sa pag-arte lang ang pagbabatayan, nakalalamang na siya rito. Nagkakaroon na rin ng korte ang kanyang katawan at medyo nagiging sexy na. Medyo talo nga lang siya sa pagsasalita kasi nabubulol pa rin paminsan-minsan. Pero hindi naman siya magiging CaptainBarbell dahil sa kanyang husay sa pag-arte, pangangatawan o pagsasalita, kundi dahil sa tunog ng kanyang apelyido. Masarap pakinggan ang apelyidong Eigenmann. Perfect para sa susunod na Captain Barbell.

Kung sumisimbolo naman para sa ating mga Pinoy na Captain Barbell, p’wedeng gampanan iyan ng ating pambansang kamao na si Manny Pacquiao. Sa suntok pa lang, mapapatumba na niya kagad ang sinumang makakalaban niya. Sa dinami-dami nang kanyang mga napabagsak na mga boxers, hinding-hindi rin niya uurungan ang mga halimaw. Bato-bato ang katawan ni Pacman kaya  kahit hindi na siya magsuot ng costume ni Captain Barbell ay hindi siya masasaktan ng mga kalaban niya. May Ph.D pa, isang magandang factor para maging ating Pinoy superhero.  Hindi naman nagsasalita ng English si Captain Barbell kaya pasado ang ating pambansang kamao sa role na ito.

Hindi naman kailangan na gwapo, macho, mabalbon, malakas sumuntok o may magandang surname ang gaganap na bagong Captain Barbell. Kailangan lang ay marunong umarte at maging magandang ehemplo lalo na sa mga kabataan. Kung anuman ang kontrobersiyang bumabalot sa artista ay hindi na dapat bigyang-pansin pa. Ang importante lang ay lalaking-lalaki siya. At yun ay si…

Aiza Seguerra.

by Billycoy Dacuycuy
Bisitahin ang blog niya sa www.billycoy.com

loading...

15 thoughts on “Ang Bagong Captain Barbell

  1. Captain Barbel is a copy of SMALLViLLE Series specially the first captain barbel. try to watch smallville

  2. Pingback: Billycoy’s Blasted Brain Blogs | Dahil hanggang ngayon, masakit pa rin sa ulo ang mag-isip » Pinoy Parazzi: Ang Bagong Captain Barbell!

Leave a Reply

Your email address will not be published.