Ang araw ng mga tambay

May bagong time slot na ang OPLAN ZERO TAMBAY (OZT) na dati ay napapanood tuwing Linggo. Ngayon ito ay mapapanood na sa mas maagang oras – tuwing Sabado, 4:30-5:30 p.m. sa TV5.

Dahil sa kahilingan ng marami, minarapat ng management ng TV5 na ilipat ang oras ng pagpapalabas ng OZT mula Linggo ng gabi, na kadalasan ay nai-eere halos mag-aalas-onse na, sa mas maaga at kumbinyenteng time slot. Ito ay dahil na rin sa reklamo ng maraming tagasubaybay na kinakailangan nilang magpuyat para mapanood lamang ang OZT.

Bukas, sa OZT, mapapanood ang mga kuwento sa buhay ng apat na tambay na nanaisin ng programa na mabigyan ng bagong buhay. Kapag pinalad at nakapasa sa gagawing screening ng OZT, sila ay mabibigyan ng trabaho sa isang malaki at sikat na men’s and women’s beauty salon bilang mga haircutters.

Bagamat lahat sila ay walang mga karanasan sa paggugupit, handa ang nasabing salon na turuan sila kung paano gumupit at tumugon sa mga pangangailangan ng mga customers. Hindi tulad ng ibang mga beauty salon na mga gay at babae ang kinukuhang haircutters nila at beautician, kakaiba ang concept ng beauty salon na aming pagre-refer-an sa kanila.

Isa sa mga tambay ay punung-puno ng drama ang kuwento sa kanyang buhay. Dumanas siya ng labis na pagmamalupit sa kamay ng kanyang ama. Madalas siyang makatikim ng pambubugbog sa tuwing siya ay dinidisiplina. Madalas din siyang hinahampas ng palo habang nakaluhod sa munggo. Nang hindi na niya makayanan ang kalabisan sa pagdidisiplina sa kanya, siya ay naglayas at pumunta sa malayong lugar.

Habang siya ay nasa paglalayas, natikman niya ang matulog sa bangketa at manghingi ng pagkain. Ang kalupitan na natikman niya sa kanyang ama ay nagkaroon ng epekto ngayon sa kanyang pagkatao. Siya ay naging labis na mahiyain at mayroong inferiority complex. Bumalik lamang siya sa kanyang pamilya nang yumao ang kanyang ama.

Ngunit kasabay ng pagyao ng kanyang ama, iyon naman ang pag-iwan sa kanila ng kanilang ina at sumama ito sa bagong makakasamang lalaki.

Pakikipagsapalaran dito sa Maynila ang kuwento naman ng isa pang tambay. Awang-awa siya sa naghihikahos na kalagayan ng kanyang ina. At sa kagustuhan niyang maiahon sa kahirapan ang kanyang ina, mula Surigao, lumuwas siya ng Maynila.

Ang pangarap niya ay kapag napasok siya sa anumang trabaho, halos lahat ng kikitain ay ipadadala niya sa probinsiya. Ngunit magtatatlong buwan na siya rito sa Maynila, hindi pa rin siya pinapalad na magkaroon ng trabaho. Ang masaklap pa, bukod sa pagiging promdi at bagong salta rito, ang nagpapahirap sa kanya na makakuha ng trabaho ay sapagkat siya ay hirap na makapagsalita ng Tagalog. Kakarampot lang ng salitang Tagalog ang kanyang nalalaman at hindi iyon sapat upang siya ay magkaroon ng trabaho rito sa Maynila, kung saan ang wika na ginagamit sa lahat ng mapagtatrabahuhang kumpanya ay Tagalog.

Makakapasa kaya ang ating promdi na tambay o siya ay masisibak? Abangan.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.