Ang akin namang kuwento

SA ARAW NA ito, sa halip na magtatalakay ang inyong SHOOTING RANGE ng mga kuwento mula sa mga taong nagsusumbong, ako naman ang magkukuwento tungkol sa aking naging karanasan noong Valentine’s day.

Dalawang araw lang sa isang taon na literal na itinuturing kong boss ang aking esposa at ito ay sa kanyang kaarawan at sa Valentine’s day. Sa mga araw na ito nagiging sunud-sunuran ako sa kanya at siya ay aking pinagbibigyan sa kahit saan niya gustong mag-date kami.

Noong February 14, bagama’t labag sa aking kalooban, sinunod ko ang kanyang kagustuhan na manood ng concert ni Fra Lippo Lippi sa NBC Tent sa The Fort, Taguig. Madalas kong napapakinggan ang mga awitin ng singer na ito dahil paboritong patugtugin ng aking esposa ang kanyang mga kanta. Pero hindi ko gusto. Paborito kong pinapakinggan ang mga kanta ng Beatles, BeeGees, Abba, Cher at Celine Dion sa tuwing may pagkakataon.

Pagdating namin sa NBC Tent nakihalo kami sa napakahabang pila sa sidewalk patungo sa entrance na umabot ng halos isang bloke ang haba. Nang makapasok kami sa loob, dalawa ang klase ng seating arrangement – isang nakabukod na section na may mga silyang monoblock na sinuotan ng itim na seat cover at isang nagkalat na section at mga monoblock pa rin ang mga upuan na sinuotan naman ng puting seat cover.

Halatang pilit na sinusulit ng organizer ang bayad sa venue at sa singer, at para kumita pa dahil dikit-dikit ang mga silya. Kapansin-pansin din na walang makikitang mga fire exit signs sa loob ng nasabing venue. Wala ring mamataan ni isang fire extinguisher na nakasabit sa dingding o kung saan pa man. Dahil siksikan at animo’y over sa capacity, inalam ko sa isa sa mga usherette kung nasaan ang mga exits. Nang malaman ko iyon agad kong ibinulong sa aking asawa.

Ang nakalagay sa ticket na mag-uumpisa ang performance ay 8:00 p.m. pero mag-aalas nuebe na ay wala pa ring Fra Lippo Lippi na nagpapakita sa stage.

Malamang nabulabog at nakonsiyensya siguro ang mga organizer sa sunud-sunod na pagpalakpak ng mga naiinip ng audience at ang pakiusap ko na rin sa isa sa mga usherette na dapat umpisahan na ang palabas dahil mag-iisang oras na kaming nag-aantay – kaya eksaktong alas nuebe sinimulan ang performance.

Makailang beses akong naidlip at nagigising lamang sa tuwing naghihiyawan o dili kaya nagpapalakpakan ang mga fans.

Nagtapos ang concert sa isang standing ovation nang kantahin ni Fra Lippo Lippi ang “Everytime I See You”. Na siyang ikinatuwa ko naman dahil reding-ready na akong umuwi. Napansin ng aking asawa na hindi ako masaya kaya nag-aya siyang tumuloy kami sa Diamond Hotel para manood nang tugtog ng banda ng Arpie and the Multivitamins sa Sky Lounge.

Malaking ginhawa ang naramdaman ko pagdating sa Sky Lounge dahil mula sa monoblock na upuan at pagsisiksikan sa NBC Tent, couch at sofa naman ang aming inupuan sa Sky Lounge. Kung sa concert ni Fra Lippo Lippi siya ang nasusunod sa gusto niyang mga kinakanta, sa banda ng Arpie and the Multivitamins nasunod ang ilang kantang gusto ko dahil puwedeng mag-request.

Ang WANTED SA RADYO ay mapapakinggan na sa 92.3 FM, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 p.m.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.