Andi Eigenmann, kinakaya ang mga kabiguan

NASAKTAN MAN si Andi Eigenmann sa magkasunod niyang karanasan ng pakikipagrelasyon kina Albie Casiño at Jake Ejercito, natututo na talaga siyang pahalagahan ang kanyang sarili dahil na rin sa kanyang anak na si Ellie. Sobra niyang minahal si Albie kung papaanong minahal niya rin talaga si Jake. Katatapos lang ni Andi sa panahon ng sobra-sobra niyang pagmamahal bilang kabataan. Pero alam na niya nga-yong magtira ng para sa kanyang sarili.

Nakikita rin kasi ni Andi ang kanyang sarili sa kanyang mommy na si Jaclyn Jose pagdating sa lalim ng pagmamahal sa isang lalaki habang sila ay nakapaloob sa isang relasyon. Ibinibigay talaga nila ang kanilang pagkatao sa lalaking kanilang minamahal. Nakita ni Andi kung gaano kamahal ng kanyang mommy si Mark Gil, at nu’ng magkahiwalay sila ay si Jaclyn ‘yung naiwan na patuloy na nagmamahal at nasasaktan. Pero ang naging pambawi ni Jaclyn para muling makabangon sa buhay ay dahil nariyan nga noon si Andi na lumalaki na.

Kinakaya na ngayon ni Andi ang kanyang mga kabiguan, dahil ang inspirasyon niya ay ang kanyang anak na si Ellie. Pero kung anuman ang mga sakit ng kalooban na kanyang pinagdaanan dahil kina Albie at Jake, marahil ay nakatutulong sa pagiging artista ngayon ni Andi ang mga kabiguan na kanyang dinanas, kaya mayroon na siyang malalim na pinaghuhugutan ng emosyon kapag umaarte sa harap ng kamera. Lalo pa siyang gumagaling na aktres ngayon.

 

NANGANGAKO NA talaga ng kaseryosohan ang dating bagets actor ng ABS-CBN na si Angelo Ilagan sa kanyang pagbabalik-showbiz. Isang malaking panghihinayang para sa nakararami ang nangyari nang maging unprofessional ang magaling na batang actor nu’ng kasali pa siya sa teleseryeng Mga Anghel Na Walang Langit ng Dos, dahil may mga araw na ayaw niyang siputin ang taping. Pinasasakit niya ang ulo ng mga katrabaho sa taping, samantalang hindi naman siya noon ang talagang bida.

Aminado naman si Angelo na noon daw ay naramdaman niya na yumabang talaga siya at parang naapektuhan na rin siya ng mga papuri na mahusay nga siyang actor sa edad niya noon, dahil nakasali na nga siya sa ilang magagandang pelikula.  Tanggap na tanggap na rin ngayon ni Angelo na nasa huli talaga ang pagsisisi.

“Naramdaman ko iyan nu’ng mga panahong walang-wala na ako. Na parang gustuhin ko mang bumalik sa showbiz ay hirap na hirap din akong gawin,” wika ni Angelo.

Ang tumutulong noon sa career ni Angelo ay si Direk Maryo J. delos Reyes na siyang unang nanlumo sa pagiging unprofessional ni Angelo. Wala naman kasi si Direk Maryo J. hinangad kundi ang mapabuti ang mga tinulungan niyang artista gaya nina Baron Geisler at Jiro Manio. Naka-takda nang makipagkita si Angelo sa mahusay na director.

“Inaamo ko na nga siya. Siyempre, ako naman kasi ang nagkamali dati,” wika pa ni Angelo na ngayon ay gumagawa na ulit ng pelikula.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

3 thoughts on “Andi Eigenmann, kinakaya ang mga kabiguan

Leave a Reply

Your email address will not be published.