Anak na special child, binigti; ama, nagpakamatay din

PINATAY MUNA sa pamamagitan ng pagbigti ang isang 7-anyos na special child ng kanyang sariling ama bago nagpakamatay ang suspek sa pamamagitan ng pag-inom ng lason sa loob ng kanilang tahanan  sa Sta. Ana, Maynila.

Wala ng buhay nang madiskubre sa loob ng kanilang kwarto ang mag-amang sina  Nestor Dipasupil, 39, walang trabaho at anak nitong si Kimi, residente ng 5th St., Punta, Sta. Ana, Maynila

Base sa report ni SPO1 Jonathan Moreno ng MPD-Homicide Section, dakong alas-9:00 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng mag-ama sa kanilang kwarto ng kaanak na si SPO1 Alma Dipasupil, 34, hipag ng biktima na nakatalaga sa D-1 ng Manila Police District (MPD).

Huling nakitang buhay ang mag-ama dakong alas-12:30  ng hapon  ng Linggo, ilang oras bago matuklasan ang kanilang malamig na labi.

Nagtataka umano ang ina ni Nestor kung bakit hindi lumalabas ng kwarto ang mag-ama kaya humingi ng tulong sa manugang na si SPO1 Dipasupil.

Gumamit ng duplicate na susi si SPO1 Dipasupil upang buksan ang studio-type na silid ng mag-ama kung saan tumambad sa kanila ang dalawa na kapwa wala nang buhay.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, nakitaan ng marka sa leeg ng tila binigti ang bata habang maayos na nakahiga sa ibabaw ng isang upuang kahoy, habang ang ama nito ay nakita ring nakadapa sa sahig may 2 pulgada ang layo sa bangkay ng anak.

Nakuha naman sa loob ng kwarto ang kulay blue na nylon cord na hinihinalang ginamit sa pambigti, bote ng liquid Sosa, masking tape at plumber cleaner.

Posibleng ang nasabing kemikal ang ininom ng suspek.

Sa ngayon, wala pang impormasyong kaugnay ng motibo ng pagpapatiwakal ni Nestor na idinamay pa ang anak.

Samantala, ang labi ng mag-ama ay nakalagak sa St. Rich Funeral Homes na nakatakdang sumailalim sa awtopsiya.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.