Ambulansya vs Motorsiklo: 2 Patay, 1 Grabe

DAHIL SA tindi ng pagkakabangga, agad binawian ng buhay ang dalawang backride ng isang motorsiklo, habang nasa malubhang kalagayan naman ang driver nito makaraang sumalpok sa isang rumaragasang ambulansya sa Dingalan, Aurora.

Sa ulat na nakarating sa Camp Olivas sa Pampanga, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Richky Conchada, 16; at Bryan Gueta, 15; habang nasa kritikal na kundisyon sa ICU ng PJG Hospital sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija ang driver ng motorsiklo na si John Mark Conchada, 17 anyos, kapwa residente sa nabanggit na bayan. Samantala, kinilala naman ang driver ng ambulansya na si Ricardo Lopez, Jr., nasa hustong gulang, at residente ng Brgy. Paltic, Dingalan.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Dingalan Police Station, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng National Road ng Brgy. Poblacion sa harang ng isang tindahan sa nabanggit na lugar.

Nabatid na papauwi na ang mga biktima lulan ng motorsiklong may plakang 7527-XA nang salubungin umano ito ng rumaragasang ambulansya na may plakang SKP-939, kung saan tumilapon ng ilang metro ang mga sakay ng motorsiklo dahil sa lakas ng impact ng banggaan.

Samantala patuloy naman na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa naturang  aksidente, habang nasa kostudiya muna ng PNP ang driver ng nabanggit na ambulansya.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.