Ama, Pinatay Muna ang mga Anak, Bago Nagpakamatay

HINIHINALANG PINATAY muna ng isang ama ang dalawang anak nito bago nagpakamatay sa loob ng kani-lang apartment sa 2411-D Leonor Rivera Street, Barangay 364, Zone 37, Sta. Cruz, Maynila.

Ito ang lumitaw sa paunang pagsisiyasat ng mga kinauukulan, taliwas sa unang ulat na masaker ang naganap na insidente.

Sinabi ni Police Senior Inspector Ismael Dela Cruz ng Homicide Division ng Manila Police District (MPD) na sinabi ng testigong hawak nila na alas-6:00 ng umaga kahapon nang mag-akyat sa kwarto ang ama na si Jessie De Guzman ng softdrinks na may laman umanong silver nitrate, kemikal na panlinis ng alahas.

Ang nasabing testigo ay itinago sa pangalang ‘Chuk-chak’ na 8- taong gulang na pamangkin ni Jessie.

Pag-akyat ng ama sa kuwarto, nakarinig ng ka-

labog at ingay sa ikalawang palapag ng apartment.

Narinig din umano ng witness ang mga boses ng mga pinsang biktima na sina Jennifer at Jeramel na nagmamakawaang, “Itay, tama na po, Itay.”

Dagdag pa ng naturang testigo, matapos nito’y pinalabas na siya ng bahay ng kanyang tito.

Kasunod nito, natagpuan na lamang ng maybahay ni Jessie na si Editha ang mga bangkay ng kanyang mag-aama sa kuwarto. Nagtitinda si Editha ng manok sa labas nang mangyari ang insidente.

Nakarekober naman ang pulisya ng isang stainless na baso, dalawang pitsel at martilyo na isasailalim sa imbestigasyon.

Bukod naman sa mga sunog sa labi, may tinamo ring mga pasa sa bahagi ng noo ang magkapatid.

Samantala, isasailalim na sa awtopsiya ang mga labi ng tatlo.

Sa ngayon, inaalam pa ang motibo sa krimen at maging ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng mga biktima.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.