Ama at Tito ni Mark Herras, kinakailangang ma-ospital!

MALUNGKOT ANG GMAAC Prime Artist na si Mark Herras dahil na rin sa dalawa sa taong kanyang mahal sa buhay ay parehong may iniindang karamdaman. Ito ay ang kanyang Tito Hermie Santos at ang kanyang amang si Jun Herras.

Kung saan ang kanyang Tito Hermie ay mag-a-undergo ng dalawang operasyon, una ay ang bypass operation at ‘yung isa ay sa leeg nito, kung saan ang dalawang ugat nito ay hindi na dinadaluyan ng dugo.

Habang ang Daddy Jun naman nito ay parang lumulobo raw ang puso, kaya kailangan nitong ipa-check-up. Ipinagdarasal na lang ni Mark na sana ay maging matagumpay ang dalawang operasyon ng kanyang Tito Hermie at maging mabilis ang paggaling nito, pati na rin ang kanyang Daddy Jun.

 

PINASOK NA rin ng anak na lalaki ng magaling at aming iniidolong aktres na si Ms. Sylvia Sanchez, na si Arjo Atayde, ang showbiz via E-Boy, ang pinakabagong primetime soap ng ABS-CBN na tiyak na kagigiliwan hindi lamang ng mga bata, kundi ng buong pamilya.

Matagal na raw gustong mag-showbiz ni Arjo, pero ngayon lang siya binigyan ng basbas ng daddy at mommy niya, kaya naman daw sobrang saya ng guwapitong anak ni Ms. Sylvia, dahil natupad na ang pangarap niyang subukan ang showbiz.

Makakasama ni Arjo sa E-Boy si Bugoy Cariño, bida sa nasabing serye, at ang mga premyadong bituin na sina Ariel Rivera, Jomari Yllana, Agot Isidro at Valerie Concepcion, mula sa direksyon nina FM Reyes at Nick Olanka.

 

SA JANUARY 21, 7pm, sa UP Theatre mapapanood ang kontrobersiyal na pelikulang Bola na pinagbibidahan ng baguhang actor/model from Davao na si Kenneth Salva kasama ang na-link dito ang napaka-kontrobersiyal ding komedyano/host at successful businessman na si Arnell Ignacio.

At last ay mapapanood na rito ang kung ilang linggo ring pinag-usapang love scene ni Arnell at Kenneth na sinasabi noong may relasyon, na mariin namang pinabulaanan ni Kenneth at Arnell, na parehong nagsabing magkaibigan lang sila.

Hindi lang daw isa, kung hindi maraming sexy scene ang mapapanood sa Bola, kaya naman kung gusto ninyong mabuhay ang inyong natutulog na dugo, watch na ng Bola.

 

NAPAKAGANDA AT explosive ang teaser ng pinakabagong primetime soap ng TV5 na Valiente na pinagbibidahan nina JC De Vera at Oyo Boy Sotto, mula sa direksiyon ng award-winning at A1 director na si Joel Lamangan.

Kasama rin sa nasabing Kapatid soap ang isa sa aabangang young star sa bakuran ng TV5 na nagtataglay ng magandang mukha at former Lipgloss cast na si Czarina Suzara na kapatid ng miyembro ng sumisikat na boyband sa bansa, ang UPGRADE, na si JV Suzara.

Ayon nga kay Czarina, pihadong mag-e-enjoy ang mga manonood ng Valiente dahil sa ganda ng istorya at pagkakagawa nito. Samahan pa raw ng ilan sa mahuhusay na artista sa bansa.

 

John’s Point
by John Fontanilla

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.