Alyssa Alano, masama ang loob sa yumaong ama – Gorgy’s Park

HINDI MATULUY-TULOY ang pagtulo ng luha ni Alyssa Alano nang in-interview ito nina Tito Joey de Leon at Manay Lolit Solis sa Startalk nu’ng nakaraang Sabado dahil ginawa na lang nilang comedy ang pag-uusap tungkol sa paghahanap ni Alyssa sa kanyang ama na matagal na palang patay.

Lumaki kasi si Alyssa na hindi nito nakilala ang kanyang ama, at huli na lang niyang nalaman na isa pala itong Australyano, pero wala siyang ideya kung saan ito sa Australia.

May mga ilang malalapit na kaibigan si Alyssa na tumulong para malaman kung nasaan na ito ngayon, at balak nilang i-sorpresa ito sa kanyang kaarawan kamakailan lang.

Sa Amerika nag-celebrate si Alyssa ng birthday niya at wala itong kamalay-malay na inaayos na pala ng mga kaibigan niyang matunton ang kanyang ama para ito ang ireregalo nila sa comedienne.

Ngunit doon na lang nila nalamang namatay na ito, pero natunton naman kung nasaan ang iba pa niyang kapatid na nasa Australia.

Na-trace nila kung saan ito sa Australia kaya tinawagan nila nu’ng nag-birthday si Alyssa sa Amerika at natuwa naman daw itong Australyana niyang kapatid nang nalaman nitong meron pala itong kapatid sa Pilipinas.

Nahirapan lang daw si Alyssa na makipag-usap sa kapatid niya dahil hindi raw niya maintindihan ang English nito, kaya ang mga kaibigan na lang nito ang nakikipag-usap at nakikinig na lang si Alyssa sa speaker phone.

Pangako ni Alyssa na gagawan niya ng paaraang makapunta ng Australia para magkita sila roon. Nalaman din nitong meron pa siyang ibang mga kapatid doon sa iba namang nanay kaya gusto niyang makilala ang mga ito.

Ang ikinasama lang ng loob ni Alyssa, nalaman daw niya na ilang beses ding bumabalik dito sa Pilipinas ang kanyang ama pero bakit hindi man lang daw ito gumawa ng paraang makita siya.

Ang tanging nakita lang niya ay litrato kaya napapaiyak ito kapag napapag-usapan na ang kanyang ama.

Pero tapos na raw iyon at nagpapasalamat na rin siya na kahit paano ay nakilala niya ang ibang kapatid sa ama kaya talagang gusto raw niyang pumunta ng Australia para magkakilala sila nang personal.

Rufa Mae Quinto, h’wag na dapat ipakilala ang BF

SANA TIGILAN NA ni Rufa Mae Quinto ang pagkukuwento tungkol sa sinasabi niyang boyfriend dahil may mga ilang taong malapit sa kanya ang nagkukuwento kung sino itong lalaking tinutukoy niya.

Kilalang-kilala raw ito at maimpluwensiya pero hindi pa niya puwedeng sabihin kung sino dahil lalo lang magiging kumplikado ang mga pangyayari.

Hindi ko puwedeng sabihin kung bakit dahil mabait naman itong si Rufa Mae at ang mahalaga masaya siya.

Pero sana tapos na iyon at huwag nang pahabain pa ang usapan tungkol sa lovelife niya dahil mapipilitan lang siyang magsinungaling.

Kung totoong maipakikilala niya ito sa mga darating na araw, sana nga matuloy at puwede na niya itong maipakilala dahil tiyak na ikagugulat ng karamihan.

Although, hindi na kami nabigla nang nalaman namin kung sino ito, mas mabuting manahimik na lang si Rufa Mae dahil parang ang dating tuloy, ginugulo lang niya ang usapan at inililigaw lang niya ang tunay na katauhan ng lalaking ito.

Quiet na lang siya, ang importante masaya siya sa ngayon at walang inaagrabyadong tao.

By Gorgy’s Park

Related Post

loading...

3 thoughts on “Alyssa Alano, masama ang loob sa yumaong ama – Gorgy’s Park

Leave a Reply

Your email address will not be published.