Alyansang Binay-GMA, 2013 pa

INIHAYAG NG isang political analyst na noon pang taong 2013 ay meron nang alyansa ang kampo ni Vice President Jejomar Binay at ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon sa analyst na si Mon Casiple na ang nangyayari ay taliwas sa sinasabi ni United Nationalist Alliance Spokesman Toby Tiangco na hindi umano makikipag-alyansa si Binay sa dating pangulo na kasaluku¬yang kongresista ng Pampanga.

Ipinaalala ni Casiple na sa senatorial election noong 2013, kumandidato sa ilalim ng UNA ang mga kaalyado ni Ginang Arroyo na sina Migs Zubiri at Mitos Magsaysay.

Isa aniya itong indikasyon na bukas ang UNA sa pakikipag-alyansa sa partidong Lakas-CMD ni Arroyo.

Base sa obserbasyon ni Casiple, ang “pangsi-shopping” ay traditional politics ni Binay para makakuha ng alyansa sa iba’t ibang partido at mas lalawak ang koneksyon nito at tataas ang tiyansa para sa 2016 presidential election.

Gayundin ang pagtatalaga ng bise presidente kay Sen. JV Ejercito na pamunuan ang pag-organisa sa local government heads kung saan inamin nitong mayroon nang namumuong ‘strategic alliance’ sa pagitan ng Lakas-Christian Muslim Democrats ni Arroyo.

Ito ay senyales na maaari ang Binay-CGMA alliance para sa 2016 elections lalo pa at umaayos na ang relasyon ni Manila Mayor at dating pangulong Joseph Estrada at Ginang Arroyo na maaari umanong magbigay-daan para sa alyansa sa 2016 polls.

Una nang itinuring ng political analyst na ‘kiss of death’ sa ngayon ang pag-alyansa kay GMA dahil sa pagbaba ng popularidad nito matapos makasuhan at makulong sa kasong plunder.

Sa kabilang dako, malaki naman ang maaaring maiambag ng partido ni Arroyo sa sinumang susuportahan nito sa 2016 elections  kung kaya’t hindi umano maitatanggi na marami ang nais pa rin na kumuha ng suporta ng dating presidente.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.