Alma Moreno, sultana?

WALANG BINANGGIT NA pangalan ng pulitikong taga-Mindanao si Alma Moreno nu’ng magkausap kami. Pero meron siyang kinumpirma, may plano na silang magpakasal.

Mali ang kumalat na balita na parang tatay niya na lang ang pulitiko, kuwarenta’y tres anyos lang ito, mula sa isang kilalang pamilya sa Mindanao ang lalaki.

Ayon kay Alma Moreno, matagal na silang magkakilala ng pulitiko. Hindi raw ‘yun ang klase ng relasyong nagkita lang silang minsan, nagkaintindihan na sila. Ilang beses na silang nagkikita sa mga seminar bago nauwi sa seryosohang relasyon ang lahat.

Noon pa man, palagi nang sinasabi ni Ness, kung sakaling mag-aasawa siya uli ay meron siyang hinahanap na katangian sa lalaki. Kailangang ang mga anak muna niya ang pakasalan ng taong pakakasalan niya.

Sabi ni Alma, “Palaging ang mga anak ko ang una, ayokong maging kawawa ang mga anak ko, kailangang mahalin sila ng kung sinumang magmamahal sa akin.”

Ganu’n mismo ang nakita niyang ginawa ng pulitikong karelasyon niya ngayon, ang kanyang mga anak muna ang pinakisamahan nito. Ilang beses nang nakakausap-nakakasama nina Mark Anthony, Vandolph, Yeoj, Win-Win, VJ at MM ang lalaking nagpapaligaya sa kanya ngayon.

“Nag-usap na kami nina Mark at Vandolph, naiintindihan nila ako, kahit minsan, hindi sila nanghimasok sa personal happiness ko, alam naman nila na alam ko ang mga ginagawa ko.
“Siguro, dahil nirerespeto ko rin naman kasi ang mga decisions nila, hindi ako humaharang sa mga ginagawa nila, nandito lang ako para magpaalala sa mga anak ko,” paliwanag ng magandang aktres-pulitiko.

Ayaw munang magbigay ng mga detalye ni Alma Moreno, mas gusto niyang sa kampo ng lalaki magmula ang lahat, bilang respeto sa lalaking nagsisilbi niyang inspirasyon ngayon.

KINUMUSTA NAMIN KAY Alma Moreno ang naging reaksiyon ni Mayor Joey Marquez nang malaman nito ang balita, nagkausap na ba sila, ano ang ibinigay na payo sa kanya ng aktor-pulitikong ama ng kanyang mga anak?

“Nagkausap na kami, binati niya ako, congratulations daw. Masaya siya for me, palagi namang ganu’n si Joey, magkaibigan kami, mali ang mga lumalabas na balitang hindi kami nagkikibuan.

“Imposibleng mangyari ‘yun, nandiyan ang mga anak namin na nakapagitna sa amin, naghihiraman kami sa mga bata, hindi puwedeng mangyari ang mga kuwentong magkaaway raw kami ni Joey.

“Nagkakuwentuhan kami ni Joey, inamin ko sa kanya na totoong may plano na kaming magpakasal. Dalaga naman ako, may karapatang magpakasal uli, naiintindihan ni Joey ang decision ko,” balita ni Alma.

“Sultana” na nga ang tawag namin ngayon kay Alma Moreno dahil isang sultan ang karelasyon niya. Muslim ang lalaki, magkaiba ang kanilang mga paniniwala, pero sa larangan naman kasi ng pag-ibig ay walang imposible.

Harinawang nakita na nga ni Alma Moreno ang lalaking makakasama niya habambuhay.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Related Post

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.