All About Eve Cast enjoys shoot in Singapore

NAG-ENJOY ANG MAIN cast ng bagong Telebabad ng GMA 7 na All About Eve na sina Sunshine Dizon, Iza Calzado, Alfred Vargas at Mark Anthony Fernandez sa taping nila sa Singapore nu’ng nakaraang Linggo.

May mga ilang mahahalagang eksenang kailangang kunan doon kaya tumulak ang buong grupo ng All About Eve kasama ang apat na bida, at talagang nag-bonding sila roon.

Mabilis ang taping nila para maaga silang matapos at makapag-lamyerda doon at mag-shopping.

Kuwento nila, si Iza ang unang nakatapos ng taping kaya nagyaya itong lumabas para makapagliwaliw naman.

Nu’ng huling gabi nila sa Singapore, niyaya ni Iza si Alfred na gumimik at tumuloy sila sa isang jazz bar doon na karamihan ay mga turista ang laman.

Meron daw roong dalawang negro na kambal na nagpi-perform at naghu-host na rin sa mga gustong maki-jamming.

Napansin daw nitong dalawang host sina Iza na nag-i-enjoy at siguro nagandahan sila sa aktre. Tinanong ito kung taga-saan sila.

Nang nalaman nilang mga Pinoy ito at may nakapagsabi sa kanilang kilalang artista ito sa Pilipinas, ikinuwento na ng dalawang egoy na ito na may mga kaibigan silang mga performers gaya nina Gary Valenciano, Jaya, Francis Magalona at kahit si Jean Garcia.

Binanggit ni Iza sa kanila na namatay na si Francis nu’ng nakaraang linggo at nabigla ang dalawa dahil malapit na kaibigan pala nila itong si Kiko.

Kuwento pa ng isang host, halos every week raw silang nag-uusap ni Kiko at alam nila ang pinagdaanan nitong sakit pero walang nagpasabi sa kanila na pumanaw na ito.

Hindi raw napigilan ng dalawang host na umiyak at tumigil sila sandali. Umakyat raw si Iza para pakalmahin ang dalawa na nakatalikod na sa stage. Nagulat ang aktres dahil nakita raw niyang talagang umaagos ang luha ng dalawa sa kaiiyak.

Nag-alay sila ng isang kanta para kay Francis at kinilabutan nga sina Iza at Alfred habang pinakikinggan ang kanta ng dalawang host.

Sabi nga ni Iza, ikukuwento raw niya ito kay Maxene Magalona kapag nagkita silang dalawa.

NAIKUWENTO RIN NI Sunshine sa reporter namin na kasama roon sa Singapore na hanggang ngayon, kinukulit pa rin pala ito ng mga pulitiko sa Iloilo na tumakbo na sa 2010 elections.

Kinukumbinsi na raw itong tumakbong Board Member ng Iloilo pero mukhang hindi pa ito tatanggapin ng aktres.

Gusto naman daw niyang magsilbi roon sa lalawigan niya pero baka sobrang maaga pa raw ang 2010 dahil marami pa siyang trabaho at dapat gawin sa kanyang showbiz career.

Ayaw na nga raw sana niyang makipag-usap sa mga ito dahil talagang kinukulit siya, pero talagang pursigido raw ang mga ito na kumbinsihin siyang tumakbo dahil malakas raw itong manalo roon.

Abangan na lang natin kung makukumbinsi itong si Sunshine, dahil next year pa naman ang eleksiyon.

by Lolit Solis

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.