Aljur Abrenica, ayaw makumpara ang loveteam nila ni Kris Bernal sa Kim-Gerald! – Ruben Marasigan

SA PINAKABAGONG SERYE ng GMA-7 na The Last Prince, pinatunayan nina Kris Bernal at Aljur Abrenica na pang-primetime na rin ang loveteam nila. Talagang todo ang pagpu-push sa kanila ng GMA-7, na sabi nga, sinisikap na maging counterpart ng namamayagpag ngayong tambalan nina Kim Chiu at Gerlad Anderson sa bakuran naman ng ABS-CBN.

Si Aljur, mariin namang kinontra ang impresyon ng marami na pinipilit itapat sa Kim-Gerald tandem ang tambalan nila ni Kris. At hindi rin daw dapat na napagkukumpara sila.

“Hindi po. May sarili kaming identity. At may sarili rin naman silang identity. Hindi rin po namin pinipilit ang sarili namin na gayahin sila or tapatan,” seryosong pahayag nga ng young actor.

Ang mas binibigyang-pansin daw ngayon ni Aljur, mas pagbutihin pa ang kanyang trabaho. Lalo umano siyang nai-inspire ngayong nakikita niyang maganda naman ang kinalalabasan ng kanyang pagpupursige.

“Bibihira kasi ang nabibigyan ng chance na ganito so… masaya ako. At kuntento ako sa nangyayari ngayon sa career ko.  Hindi pumapasok sa isip ko ‘yong competition with other stars. Basta naka-concentrate lang ako o naka-focus sa trabaho.”

Hindi lang ang acting ni Aljur ang kapuna-punang nag-improve. Gumanda rin ang built ng kanyang pangangatawan. May pagka-hunk na ang kanyang dating at mas gumuwapo pa kaya naman mas marami ang kinikilig ngayon at nagpapantasya sa kanya.

Now that he is being considered as one of the sexiest young actors sa bansa, is he starting to entertain the idea na tumanggap ng sexy roles sakaling may offer na dumating sa kanya?

“It depends. Mahirap kasing magsalita sa ngayon. Saka ko na lang siguro maiisip ‘yan kapag nandiyan na.”

‘Yong tambalan nila ni Kris, may kilig na ring hatid sa dumarami nilang tagasubaybay. Hindi ba sila nakararamdam ng pressure dahil maraming umaasang mauuwi talaga sa totohanan ang pagiging screen sweethearts nila?

“Wala naman pong imposible. Puwede naman pong mangyari iyon. But for now, hinahayaan lang namin ang mga bagay-bagay na mangyari. And nag-i-enjoy naman kaming magkasama.”

Ilang beses nang idinepensa ni Aljur ang kanyang sarili tungkol sa isyung lumalaki na raw ang ulo niya. Pero hindi mawala-wala ang gano’ng impresyong mayabang na siya ngayon.

“Hindi ko po alam kung bakit nangyayaring may isyu sa akin na gano’n. Hindi ko po talaga alam.”

Hindi kaya nami-misinterpret lang siya sa mga panahong wala siya sa mood dahil pagod o masama ang pakiramdam kaya hindi na magawang maging warm o accommodating sa mga taong nakakasalamuha niya?

“Hindi po. Kahit pagod ako, I still try to be nice sa mga nakakaharap ko. Wala pong nagbago sa akin.”

So… iniisip niya, kagagawan ito ng detractors niya?

“Gano’n na nga po siguro.”

Sa harap ng camera, talagang sweet sila sa isa’t isa ni Kris. Pero may mga nakapupuna na kapag off-cam na, tila malamig ang pakikitungo nila sa isa’t isa na para silang may tampuhan o hindi pagkakaunawaan.

“Hindi po. Kung ano ‘yong nakikita sa camera, gano’n din kami off-cam. Masaya po kaming magkasama.  And magkaibigan lang po kami.

“Puwede naman kaming maging mag-on ni Kris, ‘di ba? Pero mas pinili namin na maging magkaibigan na lang muna. At masaya naman kami sa gano’ng set up. Dahil mas nakapagko-concentrate kami sa trabaho namin.”

Kung sa bagay, may ibang guy na iniuugnay kay Kris. Si Aljur naman, si Rich Asuncion ang napapabalitang totoong girlfriend. Hindi lang daw maamin-amin ng binata dahil makasisira nga naman sa pakikipag-loveteam niya kay Kris.

Ang  tsismis pa nga, depressed at panay raw ang iyak ngayon nitong si Rich dahil kasunod ng palaging pagdi-deny ni Aljur na sila nga ay ang tuluyan na umanong pagdistansiya ng aktor sa dalaga lately.

“Hindi po,” reaksiyon naman ni Aljur. “Kahit sino pong nandiyan, kung ano ‘yong pinagsamahan namin, wala po akong dinidistansiyahan.”

Sa sinabi niyang ‘yon, reading between the lines, kumbaga – parang sila pa rin nga ni Rich? Kaya siguro matabang ang pakikitungo sa kanya ng kaparehang si Kris.

‘Yon na!

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan

Previous articleWillie Revillame, pinataob si Michael Jackson!
Next articleDra. Vicki Belo at Hayden Kho Jr., tinitikis ang isa’t isa?! – Lolit Solis

No posts to display