Alitang Pampamilya, Nauwi sa Saksakan

MAAGANG NAMATAY ang isang 64-anyos na lalaki, habang sugatan naman ang asawa nito makaraang saksakin ng kanilang magkapatid na kapit-bahay sanhi umano ng matagal na alitang pampamilya sa Caloocan City kamakalawa ng kahapon.

Nalagutan ng hininga habang dinadala sa Manila Central University (MCU) hospital ang biktimang si Francisco Talaba, 64, habang ang asawa nitong si Melanie, 43 ay kasalukuyang nakaratay sa nasabing pagamutan at kapwa residente ng Block 3, Teofilo 1 Ville, Kaybiga ng nabanggit na lungsod.

Pinaghahanap naman ang magkapatid na suspek na nakilalang sina Elvin Bidad, 43, ang kapatid nito na si Noel, 14, mga kapit-bahay ng mag-asawang biktima.

Base sa ulat ni SPO1 Noli S. Albis, ng Sub-Station 5 at may hawak ng kaso, bandang alas-3:30 ng hapon nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng Teofilo1 Ville.

Nabatid, naglalakad ang mag-asawa pauwi sa kanilang bahay ng salubungin ang mga ito ng magkapatid na suspek na parehong armado ng patalim.

Sa puntong ito, magkasabay na pinag-uundayan ng saksak ng magkapatid ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan at habang umaawat ang babaeng biktima ay sinaksak din ito ng isa sa mga suspek.

Nang kapwa duguang humandusay sa kalsada ang mag-asawa ay mabilis na nagsitakas ang magkapatid sa hindi malamang direksiyon dala-dala ang ginamit na patalim.

Ang mag-asawa ay parehong isinugod sa nasabing pagamutan subalit hindi umabot ng buhay ang matandang biktima habang ang asawa nito ay inooserbahan pa ng mga doktor.

Ayon sa ilang kapit-bahay ng mag-asawang biktima, matagal na alitang pampamilya ang ugat umano ng pamamaslang.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.