Aling Dionesia, nag-ballroom sa TV!

KAMAKAILAN LANG, NAGDIWANG ng kanyang ika-60 birthday si Aling Dionesia, ang ina ng Pambansang Kamao, kung saan ginanap ang isang napakalaki at bonggang party.

At nitong nakaraang Linggo, sa unang pagkakataon, nagpakitang gilas si “PacMom” ng kanyang kakayahan sa pagsayaw ng ballroom sa Shall We Dance ng TV5. Ayon pa sa kanya, “Kung si Manny, magaling sa boxing, ako naman, magaling sa dancing.”

Hindi nagpaawat ang dating tahimik at madasaling ina ni Manny Pacquiao. Aminado rin naman ito na siya mismo ay excited na makasali sa show at makasama pa ang ibang artista at mga celebrities, mas lalo na ang host na si Lucy Torres-Gomez.

Maging nu’ng kanyang nakaraang kaarawan, obvious na hilig ni Aling Dionesia ang pagsasayaw partikular na ang ballroom. May apat na buwan na rin umano itong nag-eensayo kasama ang kanyang personal dance instructor (DI). Ito rin ang kanyang naging main partner sa pagsasayaw dahil mabait raw ito at siya ang gusto ni Aling Dionesia bukod pa sa kumportable na siya rito.

Oo nga naman, mahirap na. Ang pagkakaroon ng dance partner ay isang personal na bagay.

At dumating na nga ang pagkakataon. Lumabas si Aling Dionesia sa entablado suot ang matingkad na gown ng purple and gold at naka-ponytail na may gintong bulaklak. Pang D’yosa ang mga kulay! Kasama rin niya ang kanyang DI sa paglabas at sabay na nagsayaw sa tugtog ng swing na may halong tango.

Nu’ng una, mabagal pa ang mga galaw at unti-unting bumilis ito. Mayroon pang mga pagbuhat kay Aling Dionesia, sabay-ikot at pose sa ere. Hataw rin ang mga steps at pagtaas ng kamay ni Aling Dionesia. ‘Di nagtagal, umikot-ikot na ito at nagpapalit-palit din ng dance partner. Sayaw, buhat, ikot, sayaw. Naka-anim pang palit ng partner. Ngunit napansin naming paulit-ulit ‘ata ang kanyang ginagawa. Sayaw, buhat, ikot, baba, sayaw. Paiba-iba lang ng lalaking dance partner.

Sa huli, naibalik na siya sa kanyang original DI at panay pa rin ang taas ng kamay (as in kasama ang buong braso). In fairness, maputi ang kilikili ni Aling Dionesia, puwedeng matured model ng whitening deodorant.

Nang matapos, ininterbyu na ito ni Lucy. Kahit hanggang balikat lang siya nito, confident pa rin ang tindig ng Mommy ni Manny! Nasabi rin nito na marami na siyang ballroom dance na alam maliban pa sa nasayaw niyang tango at swing. Marunong din siya ng cha-cha, reggae at boogie na kanyang paborito.

Kung na-okray namin siya sa simula sa kanyang pagsayaw nang paulit-ulit at tila puro pagbuhat, ikot at lakad lamang, mukhang mas may kinabukasan si Aling Dionesia sa boogie. Dahil ito ang tumugtog at kanyang isinayaw bago mag-commercial. Mas may dating at tama ang tiyempo ng mga steps. Todo-palakpak at sigaw rin naman ang lahat ng audience sa kanyang bawat galaw.

Ito na nga ba ang umpisa nang pagpasok ni Aling Dionesia sa masayang mundo ng showbiz?

Ayon pa sa mga kuro-kuro, iniimbitahan din diumano ng GMA 7 si Aling Dionesia na mag-guest sa kanilang mga shows. Mukhang balak pang ipantapat ng GMA 7 si Aling Dionesia kay Pokwang ng kabilang istasyon. May laban kaya?

Samantala, abangan muli ang paghataw ni Aling Dionesia sa Shall We Dance Christmas Special sa Disyembre kung saan magsasayaw itong muli.

By Digital Manila

loading...

3 thoughts on “Aling Dionesia, nag-ballroom sa TV!

  1. hahaha ambisyosa tong aling dionisia n to!! tgnan mo tuloy picture mo s itaas mukang unggoy n nkasabit !! hahahaha.. peace yow! :))

Leave a Reply

Your email address will not be published.