Alfred Vargas, magpapakasal na!

ANG SABI NI Mariel Rodriguez, ayaw raw muna niyang magpabuntis sa ngayon dahil may mga tatapusin pa raw siya, gaya ng pelikulang pagsasamahan nila ni Robin Padilla.

Pinaghahandaan na yata nila ngayon ang pelikulang gagawin nila sa India na si Robin din daw ang producer at direktor? Bongga ‘yan! Abangan natin kung ano ang magiging kahihinatnan ng pelikulang iyan.

Kung napanood n’yo ang Startalk nu’ng Sabado, sinabi nga ni Mariel na wala raw muna sa plano nila ang magka-baby, pero ewan ko lang, ha? Papayag kaya si Robin niyan? Siyempre gusto naman ni Robin na may sarili na rin silang pamilya.

Pero sabi naman ni Robin, abangan muna ang isa pa nilang kasal sa simbahan naman, kung saan imbitado na ang lahat at may basbas ng kanilang pamilya. Sabi nga niya, dadaan daw siya sa tamang proseso, kung saan mamanhikan siya at kakausapin nang mabuti ang pamilya ni Mariel. Kaya pupunta raw muna sila ng Amerika para pormal na magpaalam sa magulang ni Mariel at kung wala nang problema, gusto nila sa December 25 na raw sila magpapakasal.

Araw ng Pasko ‘yun na ipinagdiriwang ng mga Kristiyano, kaya ‘yun ang gusto ni Robin dahil church wedding ‘yun sa Catholic church. Pagkatapos nu’n, saka na raw nila paplanuhin ang magka-baby.

Kahit may mga negatibong komentong naglalabasan tungkol sa pagpapakasal nina Robin at Mariel, mukhang hindi naman apektado ang dalawa dahil masayang-masaya sila at parang may sarili silang mundo.

Kaya nakikiusap ang ilang mga taong malapit kay Robin na sana intindihin na lang daw sila at magiging masaya na lang para sa kanilang dalawa.

Si Leizel Sicangco naman ay masaya na rin dahil kasama na nito ang bunsong anak nilang si Allih. Nakatutuwa nga raw dahil laging nagpapaluto si Allih sa Mama niya ng mga paborito niyang ulam. Pero ang napapansin din daw ng mga kasamahan nila roon, nagluluto rin daw si Leizel ng paboritong ulam ni Robin na type din ni Allih.

Masarap palang magluto itong si Leizel kaya dapat ito rin ang matutunan ni Mariel, ha!

NAPAG-UUSAPAN NA RIN lang ang kasal, alam n’yo bang balak na rin ng alaga kong si Alfred Vargas na magpakasal next year sa non-showbiz girlfriend niyang si Yasmine Espiritu?

Matagal na itong nabanggit sa akin ni Alfred kaya pinag-usapan na namin ang ilang detalye. Pero siguro hintayin na lang natin sa kanya ang announcement kung kailan talaga sila magpapakasal.

Ngayong araw, aalis patungong Italy si Alfred para mamahikan o haharap na ito sa magulang ni Yasmine para pormal na hingin ang kamay ng dalaga.

Matagal na rin namang binabalak ito ni Alfred at nakapag-propose na siya kay Yasmine kaya tama lang na sa susunod na taon ay magpakasal na sila.

Malaking inspirasyon si Yasmine sa lahat na mga ginagawa ni Alfred at noon pa man ay sinasabi ng aktor na ito na raw talaga ang babaeng gusto niyang makasama habang buhay.

Gusto na rin pala ni Alfred na magpaka-active sa showbiz kaya todo na ito sa pagpapapayat. Nangako naman ang GMA-7 na meron silang programang ibibigay sa alaga ko. Pero siyempre, bukod sa pagiging abala niya bilang konsehal ng district 2 ng QC, pagkakaabalahan din nito ang paghahanda sa kasal nila ni Yasmine.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

loading...

4 thoughts on “Alfred Vargas, magpapakasal na!

Leave a Reply

Your email address will not be published.