Alex Gonzaga at IC Mendoza, ‘di nagbago ang friendship kahit magkaiba na ng network

IC-Mendoza-Alex-GonzagaHINDI NAGBAGO ang pagkakaibigan nina Alex Gonzaga at IC Mendoza kahit magkahiwalay na sila ngayon ng tahanan sa telebisyon. Dati na silang magkakilala, pero lalong naging maganda ang kanilang friendship nu’ng magkasama sila sa dating programa ng sister ni Toni Gonzaga sa TV5, ang Juicy, kung saan kahit parehoNG bata pa ay may anghang na rin ang istilo ng kanilang pagbabalita, lalo na ang pagbibigay nila ng opinion sa mga isyu sa showbiz.

Parehong maganda ang takbo ng kanilang career ngayon, dahil magmula nang lumipat si Alex sa ABS-CBN, hindi na siya nababakante dahil bukod sa pinagbibida na siya sa teleserye, may gag show pa siya at may concert pa ngayon sa Smart Araneta. Dahil nahasa si Alex sa Singko bilang talkshow host, kaya napagkakatiwalaan na rin siya at hinahasa na rin siya nga ng Dos para sumalang na rin sa pagho-host ng mga programa.

Marami naman ang ginulat ni IC dahil isa na siya ngayon sa pumoposte bilang host ng bagong talkshow ng Channel 5, ang Showbiz Konek Na Konek, samantalang dati-rati ay pansahog lang siya kina Alex at Tita Cristy Fermin. Napakasipag naman kasi ni IC kapag pinagkatiwalaan mo siya ng trabaho. Minsan, kung saan-saang hagilapan ng balita ay nakakasabay namin ang anak ni Dolly Ann Carvajal, at napakatiyaga niya talaga sa pagkalap ng balita para sa kanyang programa. Kaya nagbubunga na talaga ang kanyang kasipagan.

 

KAMAKAILAN AY nawindang ang kasamahan natin sa panulat na si Ate Erlinda Rapadas dahil binabatikos siya ng mga Noranians dahil sa ilang beses niyang pagsusulat ng mga balitang hindi pagpuri sa kanilang idol na si Nora Aunor.  Kakilala natin si Rapadas at siya ‘yung reporter na talagang Noranian, kaya nasasaktan siya sa mga ganu’ng pagtrato sa kanya ng nasabing mga fans, dahil wala naman siyang intensiyon na siraan ang Superstar dahil mahal naman talaga niya si Ate Guy.

Tama naman kasi si Ate Linda sa kanyang sinulat na parang may mga fans si Nora na lumilipat sa ibang artista na puwedeng hangaan ay may halong katotohanan din naman iyan, dahil mayroon namang mga tagahanga si Ate Guy na minsan ay mabilis magtatampo sa kanya. Nu’ng nabubuhay pa ang sikat na fan ni Ate Guy na si Mandy Diaz, nagkaroon sila ng tampuhan ng Superstar. Alam n’yo bang si Mandy, huling taon ng programa ni Governor Vilma Santos-Recto na “Vilma!” sa Broadway Centrum TV Complex ay pumunta siya kasama ako at ang pumanaw na rin na Noranian at dating writer na si Lito Gonzales-Ilas para dumaing at magsumbong tungkol sa reklamo niya?

Kasama noon sa intensiyon, na kung hindi na magkakabati sina Ate Guy at Mandy, ang plano ni Lito Ilas ay ililipat na raw niya si Mandy kay Ate Vi para maging Vilmanian. Kahit kasi Noranian si Lito ay napalapit ang loob niya kay Ate Vi.

Pumasok kami noon sa dressing room ni Ate Vi, at habang nag-aayos siya para umalis ay napakahaba ng isinumbong na mga reklamo ni Mandy tungkol kay Ate Guy, na kesyo daw parang ang Superstar ay wala nang panahon sa kanila na mga tagahanga. Habang nagsusumbong ay nakikinig lang si Ate Vi kay Mandy habang patuloy na inaayos ang kanyang suot na damit. Nang makatapos ang mga sumbong ni Mandy, napakaiksi lang ng isinagot ni Vilma: “Darling, magkakaayos din kayo ng idol mo.” Nagkabati nga rin sina Diaz at Ate Guy.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.