Alegasyon ni Miriam Kontra JPE, Iimbestigahan ni De Lima

SISIYASATIN NG Department of Justice (DoJ) ang katotohanan sa likod ng mga alegasyon ni Senator Miriam Defensor-Santiago kontra kay Sen. Juan Ponce Enrile sa ginawang privilege speech ng mambabatas noong Disyembre 4, ayon kay Justice Secretary Leila de Lima.

Inihayag ni De Lima na rerebyuhin niya ang nasabing privilege speech ng senadora, nang akusahan nito si Enrile sa pagkakasangkot umano sa smuggling, illegal logging, at online gambling, na may kaugnayan sa Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).

Sa kanyang sulat kay De Lima, nagpahiwatig si Santiago na dawit umano si Enrile sa mga ilegal na aktibidad sa CEZA.

Sinabi pa ng kalihim na isinulong na ng pamahalaan ang pagsisiyasat sa online gambling operations sa CEZA noong panahon ni yumaong Interior Secretary Jesse Robredo.

“The Philippine National Police has undertaken operations against online gambling there but the operators justified it on the basis of license issued by the CEZA. They were also able to get temporary restraining order (TRO) from local courts and even turned the table to the law enforcers,” ayon kay De Lima.

Dahil sa hiling ni Santiago, inihayag ng kalihim na muli niyang kukuwestiyunin ang TRO at hihilingin niya sa Office of the Solicitor General na magsumite sa kanya ng status report sa mga kasong may kaugnayan sa online gambling sa CEZA.

Tungkol naman sa sinabi ng mambabatas na si JPE ang utak sa pork barrel fund scam na umano’y minaniobra ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles, ipinaliwanag ni De Lima na nasimulan na ng Office of the Ombudsman ang preliminary investigation sa nabanggit na kaso.

Sinabi rin ng kalihim na hindi pa niya naikokonsidera ang posibilidad ng pagsisiyasat sa iba pang alegasyon ni Santiago kay Enrile, partikular ang tungkol sa mga krimen umano ng dating Senate President noong panahon ng Martial Law.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.