Alahero, Itinumba sa Harap ng Bahay

ISANG MAG-AALAHAS ang itinumba ng isa sa dalawang hindi nakikilalang suspek sa harap ng bahay nito sa Caloocan City kamakalawa ng umaga.

Ang biktima na walang buhay na nalugmok sa lupa ay nakilalang si Lito Guttierez, nasa hustong gulang, mag-aalahas at residente ng Julian Felipe cor. J. Ramos Sts., ng nabanggit na lungsod.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Alejandro Billedo ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Caloocan City Police at may hawak ng kaso, bandang alas-9 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa harap mismo ng kanyang bahay sa nabanggit na lugar.

Nabatid na kasalukuyang nakikipag-usap ang biktima sa isa nitong kapit-bahay nang biglang dumating ang dalawang hindi nakikilalang suspek, kung saan isa sa mga ito ay armado ng hindi nabatid na kalibre ng baril.

Walang anumang salita ay agad na pinaputukan ang biktima ng dalawang beses na tinamaan sa ulo at pagkatapos ay walang anumang naglakad ang mga suspek papalayo sa lugar ng pinangyarihan ng insidente.

May teorya ang pulisya na negosyo sa alahas ang ugat ng pamamaslang sa biktima at sa kasalukuyan ay patuloy na nagsasagawa ng pagsisiyasat upang matuloy ang mga salarin at ang tunay na motibo ng krimen.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.