Alaala ni Hildo

 

MAY NAGPAALALA sa akin na sa ‘sang linggo, ikatlong anibersaryo ng pagpanaw ng aking long-time drayber, Hildo. Sa araw-araw na pagkaabala, nawaglit ito sa isip ko. Si Hildo ay minahal na nilalang.

Masakit gunitain ang nangyari sa kanya. Isang umuulan na hapon nu’ng 2008 sa Ortigas, Pasig, habang kami’y nami-migay ng pagkain sa street children, biglang sumakit ang kanyang dibdib at dagli-dagli kaming umuwi para malapatan ng lunas. Stroke! Ito ang malungkot na balita. Pina-ambulansiya ko siya sa Rizal Medical Center, kung saan inabot siya ng mahigit dalawang buwan.

Dahil ‘di regular ang therapy at iba pang kakulangan, naratay si Hildo sa bahay sa loob ng dalawang taon. ‘Di ako nagkulang ng pagtulong at pagmamalasakit sa kanya. Subalit ang naka-takda ay nakatakda. Sa gulang na 52, pumanaw siya nu’ng 2010.

Bakit si Hildo ang aking paksa? Maraming dahilan. Lampas dalawang dekada kong kasama siya sa pagtulong at pagmamalasakit sa mga street children, pulubi at iba pang yagit ng lipunan na naglipana sa Kamaynilaan. Halos tuwing Sabado, namimigay kami ng tulong sa kanila sa pamamagitan ng pagkain, damit at gamot. Maraming makabagbag-damdaming karanasan. Kagaya ng isang inang humihingi ng tulong sa isang nakabalot sa dyaryong sanggol. Mataas daw ang lagnat. Ngunit nu’ng hipuin namin matigas nang bangkay.

Sa loob ng seawall sa Roxas Blvd., may mga colony ng squatters na nabubuhay nang masahol pa sa ipis at daga. Tuwing Sabado ng gabi, magkasama kami ni Hildo sa pamimigay ng pagkain at damit. Sa mga bangketa ng Central Market sa Quiapo at Sta. Cruz, pami-pamilya ang natutulog gabi-gabi, tanging banig ay dyaryong luma. Dito rin ginagawa ang kawanggawa namin ni Hildo. Mga nilalang na kinalimutan ng lipunan, walang nagmamahal o nagmamalasakit.

Mahabang panahon kaming nagkasama ni Hildo sa ganitong tawag ng kawanggawa. Dito nagbuhol ang aming puso at kaluluwa. Doon sa kalangitan, dala ni Hildo ang aming alaala. Alam ko na kagaya ng ginagawa ko, pinagdarasal niya ako rito sa lupa. Sa muling pagkikita.

 

SAMUT-SAMOT

 

IMBES NA role model, role pasaway ang inaasal ng dalawang artista. Batuhan ng lait, away sa TV at iba pang kabulastugan ang mga ginagawa. Nakakaimbyerna talaga. May dalawang laos na artista ang namumuno sa ganitong negatibong asal sa publiko. Kulang ba sila sa pansin o nagpapapansin?

 

NAPANOOD KO na ang nangyayari ngayon sa pulitika habang papalapit ang 2013 eleksyon. Lipatan nang lipatan ng partido. Oath-taking dito, oath-taking doon. Kung nasaan ang asukal, du’n takbuhan ang lahat. Naging kahibangan lang ang tinaguriang political morality. Nakaraang eleksiyon, bloody at unprintable ang naging bangayan ni Sen. Manny Villar at Pangulong P-Noy sa isyu ng C-5. Ngayon, nag-coalition na ang dalawa. Ano ang karapatan ni Sen. Antonio Trillanes IV na tumakbo pa? Zero performance. Laging pagalit ang mukha sa TV. Ngayon, lumipat na siya sa NP. Si Senate Pres. Juan Ponce Enrile ay ‘di matatawaran ang kakayahan, karanasan at kinang ng pinaglingkod sa bayan. Kung pwede lang, ‘wag na siyang umalis sa paglilingkod. Subalit ‘di ko maisip ang karapatan ng kanyang anak na tumakbo.

 

ANG PUSOD ng kahirapan sa ating bayan ay mapapanood sa “Reel Time” program ng Channel 7 tuwing 7:00 P.M. ng Linggo. Nakapanghihilakbot. Pinakikita ang bahay ng mga informal settlers sa paligid ng Kamaynilaan. Dehumanized by poverty. Parang walang pamahalaan na dapat magkalinga sa kanila. Mga maliliit na batang pinupuwersang magtrabaho. Tahanan ay kariton at sako. Walang malinis na pinagkukunan ng tubig. O palikuran at paliguan. Mga naglipanang mga sakit. Hubad na kahirapan, walang gustong magmalasakit.

 

ISANG THANKSGIVING dinner ang inihandog ng Moments Foundation ni Fr. Jerry Orbos sa mga benefactors ng SVD Missionaries. Ang masaya at makahulugang pagtitipon ay ginawa sa Manila Polo Club. Ang foundation ang sumusuporta sa SVD Missionaries na nagpapakalat ng pananampalataya sa iba’t ibang sulok ng daigdig. Isa sa mga missionaries ang tumigil nang halos 25 taon sa Ecuador. ‘Di masusukat na sakripisyo dahilan sa pagmamahal sa Diyos ang ginugugol nila sa kanilang lifetime mission. Gantimpala sa kanila ay sa kabilang buhay. Tulungan at ipagdasal natin sila.

 

FAMILY AFFAIR. Ganyan na ang nasa Kongreso. Ama senador, anak senador, magkapatid senador. Sila na lang ba ang mga anak ng Diyos? Naka-ririmarim – kundi nakasusuka – ang sitwasyong ito. Dapat ipasa na ang anti-political dynasty bill. Subalit sino ang gagawa ng batas at magtutulak nito?

 

NAKA-MOVE-ON NA kaya si dating CJ Renato Corona? Malungkot na kapalaran ang dinanas niya. Ngunit lahat ng nangyayari sa mundo ay may dahilan. Diyos ang may desisyon sa ating buhay. Misteryoso ang pagtawag ng Maykapal sa atin para dumulog sa Kanyang kalinga. Mabigat na pagsubok – kabiguan, ‘di nalulunasang sakit, kamatayan ng mahal sa buhay, etc. – ang mga ito. Sa lahat-lahat, mahal tayo ng Diyos. ‘Yon lang, gawin din natin ang nararapat.

 

ANO NA kaya ang kalagayan ng kanyang Chief Defense Counsel Serafin Cuevas? Sana’y malusog pa siya at ‘di bagabag ng Diabetes. Parang kailan lang ang natapos na impeachment trial. Halos tatlong buwan ang itinagal. Sa mga susunod na linggo, maaaring mahirang na ang bagong Chief Justice. Sa kanya nakasalalay ang reporma at pagbabago sa judiciary.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Ike Gutierrez

About the Author

has written 222 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.