Airtime Limits sa Pol Ads, Sisimulan na sa Martes

SIMULA BUKAS, Martes, Pebrero 12, maghihigpit na umano ang Commission on Elections (Comelec) sa pagmo-monitor hinggil sa umiiral na “airtime limits” para sa mga kandidato sa darating na May midtern elections.

Sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na hangga’t walang aksyon ng korte hinggil sa hinihinging temporary restraining order ng ilang media networks, tuloy umano ang pagpapatupad nila ng batas.

Noong nakaraang linggo, magkasunod na naghain ng petisyon ang GMA 7 at TV 5 para harangin ang implementasyon ng aggregated airtime limit na 120 minutes sa TV at 180 minutes sa lahat ng himpilan ng radyo.

Sa panig naman ng Kapisanan ng mga Brodkasters ng Pilipinas (KBP), iginiit ng nasabing samahan na ang mahigpit na patakaran sa airtime ng mga political ads ay mangangahulugan din ng posibilidad na hindi na marating ng impormasyon ukol sa mga kandidato ang mga mamamayang nasa malalayong lugar.

Pero para kay Brillantes, ang kanilang panuntunan ay nakasaad umano sa ilalim ng Fair Election Act.

Kung ibabasura ng Korte Suprema ang kanilang resolusyon ay walang pag-aalinlangan umano nila itong susundin, ani pa ng opisyal.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.