Agwat ng Mayayaman at Mahihirap sa ‘Pinas, lumalaki – ADB

KABILANG ANG Pilipinas sa mga bansa sa Asya na patuloy na lumalaki ang agwat ng mga mayayaman at mahihirap partikular pagdating sa antas ng kita, access sa de-kalidad na edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyo, ayon sa Asian Development Bank (ADB).

Ayon sa ADB Outlook 2012 report na sa kabila ng tagumpay ng maraming bansa sa Asya, gaya ng Pilipinas, na maiangat ang ekonomiya, pinababagal naman ng lumalaking agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap ang dapat sana’y patuloy na pag-unlad.

Lumalabas pa sa ulat, umakyat sa 0.46 ang Gini coefficient sa Asya mula sa 0.39 noong unang bahagi ng dekada 90.

Ang Gini coefficient ay ang ginagamit na sukatan sa “income inequality” o hindi pantay na kita ng mga mamamayan.

Sa China, umakyat sa 0.43 ang Gini coefficient mula 0.32, 0.37 mula 0.33 sa India at 0.39 mula 0.29 sa Indonesia.

Walang tiyak na datos na ibinigay para sa Pilipinas ngunit batay sa report ng National Statistical Coordination Board (NSCB) noong 2009, ang Gini coefficient ng Pilipinas ay nasa 0.448. Mas mababa ito kumpara sa 0.458 noong 2006 ngunit itinuturing pa ring mataas ng mga ekonomista.

Noon lang nakalipas na linggo, iniulat ng NSCB na 28 sa 100 Pilipino ang namumuhay sa kahirapan.

Tila taliwas ang lahat ng ito sa sinasabing pag-angat ng ekonomiya ng bansa gaya na lang ng kauna-unahang pagkaka-taon kung saan iniangat ng Fitch Ratings ang debt rating ng bansa sa investment grades at ang taguri ng World Bank sa Pilipinas bilang “rising tiger.”

Pero sinabi ni dating Budget secretary Prof. Benjamin Diokno na pinatutunayan lang ng mga “magkasaliwang” datos ang pag-aaral ng ADB.

Nangangahulugan aniya na mga mayayaman lang ang nakikinabang sa sinasabing paglago ng ekonomiya habang hindi naman nagbabago ang kalagayan ng mahihirap.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.